Parak binentahan ng drugs, kelot utas

NAUWI sa barilan na nagresulta sa pagkamatay sa isang hinihinalang drug pusher ang isinagawang buy-bust operation sa Valenzuela City.
Ayon kay Valenzuela Police Chief Sr. Supt. David Nicolas Poklay, alas-2:00 ng hapon nang ikasa ng SDEU at PCP-6 ang buy-bust operation kontra kay Alfredo Montilla, 50, sa kanyang bahay sa Manolo Compound, Bgy. Malanday.
Sa imbestigasyon nina SPO3 Alexander Manalo at SPO2 Randell Agora, nagawang makabili ng dalawang plastic sachets ng shabu sa suspek kapalit ng P200 marked money ni PO1 Leo Angelo Loyola na nagpanggap na poseur-buyer.
Nang magkaabutan, agad lumusob ang mga nakaantabay na operatiba para arestuhin ang suspek subalit, bumunot ito ng baril at pinaputukan ang papalapit na arresting officers.
Walang tinamaan sa mga operatiba na gumanti naman hanggang sa tamaan sa katawan ang suspek na mabilis na isinugod sa Valenzuela City Emergency Hospital subalit, hindi na rin ito umabot nang buhay.
Narekober ng mga tauhan ng SOCO sa crime scene ang isang cal. 9mm na baril na may magazine na kargado ng 4 na bala at 4 na basyo ng bala mula sa cal. 9mm.
Nakuha naman sa nasawi ang 11 plastic sachets ng hindi pa matukoy na halaga ng hinihinalang shabu, buy-bust money at wallet na naglalaman ng P490 cash, 1 plastic sachet ng shabu at ilang drug paraphernalias.





Comments