PINOY, NAGPAKAIN NG ALIKABOK SA WORLD CUP FLOOR EXERCISE

NASAKSIHAN ng mga Aleman ang potensiyal ng isang Pinoy gymnast nang sumibad papasok sa final round si Carlos Edriel Yulo sa larangan ng floor exercise ng ginaganap na Federation Internationale de Gymnastique (FIG) Individual Apparatus World Cup sa Cottbus Lausitz Arena ng Germany.
Bagito pa lang na maituturing sa larangan ng men’s competition pero nakapagrehistro ang 18-anyos na si Yulo ng 14.900 puntos upang maging pangalawang qualifier sa floor exercise. Tanging si Israeli bet Artem Dolgopyat ang may mataas na iskor (14.966 puntos) sa pulutong ng 37 gymnasts na lumahok.
Kasama sa walong finalists sina Dutch Casimir Schmidt (14.533 puntos), local pride Felix Remuta (14.333 puntos), Loris Frasca ng France (14.233 puntos), Taiwanese Chia Hung Tang (14.200 puntos), Ahmet Onder ng Turkey (14.200 puntos) at ang pambato ng Finland na si Emil Soravuo (14.133 puntos).





Comments