Malinaw ayon sa birthday...BINATANG NAKATAKDANG MAGING GIRLFRIEND ANG BABAENG NAPUPUSUAN

Dear Maestro,
May crush akong babae, pero nahihiya ako na ligawan siya. Itatanong ko lang kung kahit hindi ko siya ligawan, may tsansa kaya na maging girlfriend ko siya?
September 16, 1998 ang birthday ko at January 19, 1999 naman ‘yung crush ko.
Compatible kaya ang ganu’ng kumbinasyon ng birthday at may pag-asa kayang maging kami?
Umaasa,
Darwin ng Talaba, Bacoor, Cavite
Dear Darwin,
Sa tanong na: Kung kahit kaya hindi mo ligawan ang babaeng crush mo ay may tsansa ba na maging girlfriend mo siya?
Ganito ‘yan, sa aktuwal na buhay, maraming beses ng napatunayan na kahit hindi gusto ng lalaki ang babae, nagiging girlfriend niya ito at minsan pa nga ay napapangasawa pa.
Nangyayari ang ganu’n dahil minsan, may mga babaeng hindi malakas ang loob, bagkus, tawagin na lang nating mahusay dumiskarte upang magpa-flirt o magparamdam sa lalaking gustung-gusto niya.
Sa mas malinaw na salita, hindi maiaalis na may mga babae talagang nagbibigay ng motibo, pero pa-simple lang at hindi masyadong halata.
Gayunman, ang pinakikitaan lang naman nila ng motibo ay ‘yung mga lalaking crush o gusto talaga nila.
Kaya ang una mong dapat alamin, Darwin, ay kung may crush din ba sa iyo ang babaeng crush mo.
Kung “oo” ang iyong tugon kung saan ay ganu’n nga ang sitwasyon dahil malakas ang loob ng mga taong uno na tulad ng babaeng tinutukoy mo at mahina naman ang loob ng mga taong siyete na tulad mo (ang 16 ay 1+6=7) kaya sobrang laki ng posibilidad na ang mangyari, sa bandang huli, ang taong uno na crush si taong siyete, ang siya nang kusang gagawa ng paraan at magbibigay ng motibo upang mabuo ang isang wagas at panghabambuhay na relasyon.
At dahil ang mga taong siyete na tulad mo, bukod sa mahina ang loob, tahimik at mahiyain, isama na rin natin ang taong dos, ang kadalasang nangyayari, napangingibabawan ng mga strong number tulad ng 1, 10, 19, 28, 9, 18, 27, 8, 17, 26, 4, 13, 22 at 31 ang kanilang kapalaran.
Tulad ng naipaliwanag na, maraming bilang ng mga lalaking may “weak number” ang nakapag-aasawa ng mga babaeng may “strong number” na hindi talaga nila gusto.
Hindi naman natin sinasabing kaya nangyari ‘yun ay dahil pinilit o pinikot ang lalaking may weak number, bagkus, ang ipinaliliwanag natin ay ganito, “dahil hindi marunong tumanggi o magsabi ng “no” ang mga taong dos at siyete, napapa-yes tuloy sila sa mga babaeng may strong number kahit na ito ay hindi nila masyadong gusto.
Kumbaga, kahit na nagdadalawang-isip sila dahil nga strong ang babaeng nagkagusto sa kanila, nawawala ang dahilan nila upang tumanggi.
Sa bandang huli, tahasang naiimpluwensiyahan sila ng babae hanggang sa magustuhan at mapamahal na rin sa kanila ang mga ito.
Sabagay, masarap talagang magmahal ang mga babaeng may strong number. Samantala, nagkataon pang sa Numerology ay sadya namang compatible ang birth date mong 16 o 7 (1+6=7) na may ruling planet na Neptune-Moon, sa birth date ng babaeng sinasabi mo na 19 o 1 (1+9=10/ 1+01) na may ruling planet na Sun. Ibig sabihin, ang pagsasama ng Moon-Neptune at Sun ay sadyang tugma sa isa’t isa.
Samantalang, sa Astrology naman, ang zodiac sign mong Virgo ay pinangingibabawan ng elementong earth o lupa na siya ring elementong nangingibabaw sa isang Capricorn.
At dahil, pareho kayong earth type sign, tunay ngang kaunting pagkagusto lang sa iyo ng crush mong babae, tiyak ang magaganap kahit hindi ka kumikibo basta palagi mo siyang titigan sa kanyang mga mata, kusa ka rin niyang magugustuhan hanggang sa bandang huli ay siya na ang magpakita ng motibo, sa panahong may ipinakikita ng motibo ang nasabing babae, sunggaban mo na kaagad!
Sa ganyang paraan, ngayong buwan ng Nobyembre hanggang Disyembre, bago tuluyang sumapit ang Pasko, sa edad mong 20 pataas at 19 naman ang babaeng sinasabi mo, may nakakikilig na relasyong mabubuo at hahantong sa masarap at matimyas na pagmamahalan.




Comments