Malinaw ayon sa palad... LALAKING NAKATAKDANG MAKABALIKAN ANG MISIS NA NANLALAKI

Dear Maestro,
Naghiwalay kami ng misis ko kasi nahuli ko siyang nanlalalaki. Pero, patay na ang kalaguyo niyang pulis dahil nabaril ito sa isang engkuwentro.
Kaya sabi ng misis ko ay tanggapin ko na siyang muli at bumuo na raw kami ng masayang pamilya. Itatanong ko lang, kung sakaling tanggapin kong muli ang aking misis, hindi na kaya siya ulit manlalalaki at magiging maligaya na kaya ang aming pamilya?
October 12, 1980 ang birthday ko at February 3, 1982 naman ang misis ko.
Umaasa,
Mr. Libra ng Kamuning, Quezon City
Dear Mr. Libra,
Dapat mong tanggaping muli ang iyong misis sapagkat sadyang compatible ang zodiac sign mong Libra at Aquarius naman siya kung saan ang nasabing zodiac signs ay kapwa pinaghaharian ng elementong hangin na ang ibig sabihin, tulad ng nasabi na, sadya kayong tugma ng iyong asawa.
Dagdag pa rito, hindi lang kayo sa Astrology magkatugma, sa halip, gayundin ang birth date mong 12, (ang 12 ay 1+2=3) ay nagkataong tugmang-tugma rin sa birth date na 3 ng misis mo dahil ang three ay sadyang compatible na magsama. Ibig sabihin, dahil compatible ang nasabing mga numero sapagkat ang numerong 3 ay kapwa nagtataglay ng planetang Jupiter, kapag muli kayong nagsama, walang duda, muling iinit at mas magiging maligaya pa ang bubuuin ninyong relasyon.
Sa madaling salita, kung bibigyan mong muli ng isa pang pagkakataon ang nangaliwa mong misis, tulad ng naipaliwanag na, maibabalik na muli ang masaya at panghabambuhay na suyuan na lalo pang magiging masarap na hahantong sa panghabambuhay na pagsasama.
‘Yun nga lang, mag-ingat ka dahil baka magkaroon ulit siya ng kaibigang pulis na may zodiac sign na Libra, likas kasi siyang lapitin sa mga lalaking ipinanganak sa zodiac sign na nabanggit lalo na at nakakulay asul na uniporme.
Samantala, kung tatanggapin mong muli si misis, tiyak ang magaganap, gawin mo na ito ngayon upang sa darating na kapaskuhan, mabubuong muli ang inyong tahanan at habambuhay ng magiging maligaya ang inyong pamilya.




Comments