Magkarelasyon para maraming mapagpilian | CONG., AT GOB. PAYAGAN DING MAGKASAL
ITINUTULAK sa Mababang Kapulungan ng Kongreso ang panukalang naglalayong mabigyan ng awtorisasyon ang mga kongresista, gayundin ang mga gobernador na magkasal.
Isinalang na sa deliberasyon ng House Committee on Revision of Laws ang House Bill 5699 na layong marepaso ang Family Code para maisama ang mga kongresista at gobernador sa listahan ng mga pinapayagang magkasal.
Sa kasalukuyang sistema, mga alkalde, miyembro ng Hudikatura, pari o rabbi ang pinahihintulutan ng batas na magbasbas ng kasal.
May mga pagkakataon na nabibigyan din ng awtorisasyon na magkasal ang kapitan ng barko at eroplano, consul, vice-consul at commander ng Armed Forces of the Philippines (AFP).
Ikinakatwiran sa panukalang-batas na napapanahong maihanay na rin ang mga kongresista at gobernador sa mga pupuwedeng magkasal upang maraming mapagpilian ang mga magkarelasyon sa kung kanino sila kukuha ng basbas.
Tinukoy din sa panukala ang dumaraming bilang ng mga may common-law relationship o live-in o nagsasama nang hindi kasal.
Sa kabila nito, hindi pa malinaw sa panukala kung limitado lamang sa mga district solon o kasama ang mga partylist representative sa maaaring magkasal.





Comments