Huli sa akto | GRAB DRIVER, DRUG COURIER

HINDI na nakapalag ang isang Grab driver matapos mabuko sa pagtatangkang pagpupuslit ng droga sa Pasay City Jail.
Kinilala ni Pasay City Jailwarden Supt. Joe-Jay Arejola ang suspek na si Jonathan Roxas, 31.
Sa ulat na natanggap ni Supt. Arejola, nabuko ang dalang 40 gramo ng shabu at ang pinatuyong hybrid marijuana, alas-4:10 ng hapon na nakapulupot sa isang plastic matapos matuklasan ni Jail Officer 1 Brel Gosimat, na nakaipit sa ari ni Roxas ang isang plastic na naglalaman ng droga matapos itong isailalim sa body search.
Sa isinagawang imbestigasyon, dadalawin sana ni Roxas ang kanyang pinsan na nakakulong na si Patrick Roxas at kaibigan na si Noah Rodriguez, na kapwa may mga kasong droga.
Ani Roxas, ipinadala lamang sa kanya ang nasabing droga kapalit ng P10,000 at ito ay ibibigay kay Rodriguez.
Katwiran nito, nagawa lamang niya ito dahil sa kahirapan.
Samantala, sa isinagawang follow-up operation, alas-10:00 ng gabi nang makarekober naman mula sa nakaparadang kotse na pag-aari umano ng suspek ang tatlong bulto ng plastic sachets ng shabu na nagkakahalagang P1 milyon, 2 plastic sachets ng marijuana at isang baril.
Sa report ng pulisya, dati nang nakulong si Roxas sa kasong droga at ito ay nakalaya matapos makapaglagak ng piyansa.
Ayon sa mga awtoridad si Roxas ay isa umanong drug courier.





Comments