Suspensiyon ng excise tax sa mga produktong langis, aprub!
- BULGAR

- Nov 22, 2018
- 2 min read
NAIDAAN sa santong dasalan, ‘ika nga. Ito ang nangyari nang personal na bisitahin ng mga senador na kinabibilangan natin si Pangulong Rodrigo Duterte sa Malacañang, kamakailan.
Sa meeting, personal na ipinarating ng mga senador ang tinig ng bayan na umaaray na sa inflation at ipinaaabot natin sa pamamagitan ng pitak na ito ang pasasalamat at papuri kay P-Digong dahil hindi siya nagdalawang-isip at madali itong napakiusapan na suspendihin na ang ipinapataw na excise tax sa mga produktong langis. Gayundin, hindi na hinintay ng pangulo ang susunod na taon para sa pagpapatupad nito.
Nagpapasalamat din tayo sa economic managers ng administrasyon dahil ginabayan nila sa pagdedesisyon ang pangulo kaya naisakatuparan ang layunin nating mapagaan ang palo ng inflation sa publiko.
Nitong Oktubre, namuro ang presyo ng Dubai crude oil sa world market at pumalo sa US$84.41 kada bariles.
Nasasaad kasi sa batas na kung lampas na sa limitasyong US$80 per barrel ang krudo, awtomatikong sususpendihin ang ipinapataw na excise tax nito.
Totoong napakabigat nito dahil hindi pa natatapos ang tatlong buwan bago ang nakatakdang muling pagtaas ng oil excise tax, nag-skyrocket na agad ang presyo nito na kung pababayaan, tiyak na apektado ang lahat ng presyo at dahil inaksiyunan ito ng Punong Ehekutibo, parang nabunutan tayo ng tinik sa lalamunan.
Hindi rin ito ang unang pagkakataon na sinagasa ng administrasyon ang price hike dahil noong Setyembre, nilagdaan ni P-Digong ang Administrative Order No. 13. Ang kautusan ni P-Digong ay naglayong alisin ang non-tariff barriers at gawing simple ang administrative procedures sa importasyon ng mga produktong agrikultural at para mapigil ang tuluy-tuloy na pagtaas ng halaga ng bigas, karne at isda.
Liban pa riyan, lusot na sa Senado ang Rice Tariffication Bill na ang layunin ay isadsad ang presyo ng bigas sa mga pamilihan. Isa rin kasi ang presyo ng bigas sa mga dahilan ng domino-effect ng mga presyo kaya tayo sa Senado ay siniguro nating maibababa nang husto ang presyo ng bigas.
Tayong mga Pinoy ay kilalang malakas sa kanin kumpara sa mga kapitbahay nating bansa, doble ang dami ng konsumo natin ng kanin. Kahit ang inyong lingkod, malakas din sa kanin kaya tayo ay medyo naging ‘malusog’ nitong mga nakaraang buwan.
At dahil sa pagpasa ng Rice Tariffication Bill, asahan natin na puwedeng bumagsak nang hanggang P7 ang kada kilo ng bigas at kapag nagkataon, napakalaking tulong nito sa ating mga kababayan, lalo na sa bawat pamilyang Pinoy na kabilang sa mahihirap na sektor.





Comments