Mga Intsik pasok sa ‘Build Build Build’ ni P-Du30 | MGA PINOY TAMBAY


LUMABAS sa pinakahuling survey na isinagawa ng Social Weather Stations (SWS) na may 9.8 milyong Pinoy o 22 porsiyento ng populasyon ang walang trabaho.
Kaya naman, marami ang umaasa sa mga ulat ng kasunduan ng Pilipinas sa iba’t ibang bansa sa ilalim ng “Build Build Build” Program na umano’y lilikha ng maraming trabaho.
Gayunman, maraming proyektong popondohan ng China na pawang mga kapwa-Tsino umano ang makikinabang.
Kaugnay nito, iginiit ng gobyerno na hindi mauubusan ng trabaho ang mga Pilipino.
Ayon naman sa Department of Labor and Employment (DOLE), mula 2015 ay 51,980 alien employment permits na ang naibigay sa mga dayuhan at 15,000 dito ay para sa Chinese nationals.
“We agree with the observation that there may be more of them in the country... Pero ang binibigyan lang namin ng permit to work ay ‘yung magtatrabaho ng isang klaseng trabaho na hindi kaya ng Pilipino. ‘Pag may Pilipino na kayang gawin ‘yung trabaho, hindi namin ibibigay ‘yung alien employment permit,” ani DOLE Secretary Silvestre Bello III.
Ayon sa isang ekonomista, kailangang bantayan ang pagdami ng mga Chinese worker sa bansa.
“Merong nakikitang negative implications ‘yung pagdami ng mga Chinese worker sa ating bansa. Bagaman, nakatutulong sila sa output natin, kailangan nating isipin na marami tayong kabataan na naghahanap ng trabaho,” paliwanag ni Ateneo School of Government Dean Ronald Mendoza sa isang panayam.
Nasa bansa ngayon si Chinese President Xi Jinping para sa dalawang araw na State visit kung saan inaasahan ang paglagda niya sa ilan pang mga kasunduan. (BRT)





Comments