top of page
Machong Chismisan - YT.jpg

LAST PLAYOFF SLOT, PAGLALABANAN NG TAMARAWS AT GREEN ARCHERS

Writer: BULGAR
BULGAR
Nov 21, 2018
2 min read

MATINDING salpukan ang tiyak na matutung­hayan sa gagawing pag-aagawan ng De La Salle University at Far Eastern University sa kanilang playoff match ngayong hapon sa men’s division para sa huling Final Four spot ng UAAP Season 81 basketball tournament sa Araneta Coliseum. Parehas na tumapos na may barahang 8-6, panalo-talo ang Green Archers at Tamaraws kapantay ng University of the Philippines. Ngunit nauna ng umusad ang Fighting Maroons bilang pangatlong semifinalist kasu­nod ng nauna ng Ateneo (12-2) at Adamson (10-4) dahil sa mas mataas nilang quotient. Ang mananalo sa Archers at Tamaraws ang maka­kaharap ng defending champion at top seed Blue Eagles na gaya ng Falcons ay may twice-to-beat advantage kontra Fighting Maroons sa semis.

Nagkaroon ng pagkakataong makapuwersa ng playoff upang makaabot sa susunod na round, hangad ng Tamaraws na hindi masayang ang lahat. “Right now, we have an opportunity, and we have one more game. At nabigyan kami ng biyaya so dapat lubusin namin,” wika ni FEU coach Olsen Racela. Para sa Green Archers, sisikapin nilang muling manalo kontra sa Tamaraws na nagawa nilang bawian noong second round (65-57), pagkaraan silang talunin nito noong first round (68-61).

Inaasahan ni Green Archers coach Louie Gonzales na makakatulong na sa kanila ang foreign big man na si dating New Zealand national youth player Taane Samuel na hindi naging epektibo sa kanyang pagbabalik mula sa 11-game nitong pagkawala dahil sa injury sa nakaraang dalawa nilang laro kung saan sila parehas nabigo kaya nasadlak sa playoff.

Sa unang dalawang laro, dalawang pares din ng playoff games ang idaraos para sa women’s division, una ang salpukang La Salle at UST para sa huling slot sa nakatakdang stepladder semis at pangalawa ang tapatang FEU at Adamson para sa no.2 spot.

Una nang umusad ang defending champion NU sa finals sa bisa ng 14-game sweep ng eliminations at maghihintay na lang ng kanilang kakalabanin. Samantala, pagkatapos ng kanilang naging pagputol sa kanilang 21-year Final Four drought, nakamit naman ng University of the Philippines Nigerian center na si Bright Akhuetie ang karangalan bilang UAAP Season 81 Men’s Basketball Tournament Most Valuable Player. Sa unang pagkakataon makalipas ang 49 na taon may isang UP player na nagwagi ng season MVP award matapos manalo ni Fort Acuña noong 1969. Ang huling pagkakataon naman na may Fighting Maroon na nagwagi ng pinaka­mataas na individual award ay noong 1986 nang hirangin si Eric Altamirano na Finals MVP. Wala namang individual season awards na ipinamigay ng taong iyon.

Nakatipon si Akhuetie ng kabuuang 82.50 Statistical Points (SPs), anim na puntos ang agwat sa pinakamahigpit niyang katunggali na si Ateneo de Manila University rookie Angelo Kouame na may 76.21 SPs. (VA)

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page