GYMNASTS YULO, READY NA SA GERMANY WORLD CUP KASBU

ITATAAS na ang telon ng 2018 Federation Internationale de Gymnastique (FIG) Artistique Gymnastics Individual Apparatus World Cup sa Nob. 22 hanggang 25 sa Cottbus, Germany.
Kasama sa talaan ng mga kalahok ay ang gymnasts mula sa iba’t-ibang parte ng mundo ng Iran, Austria, USA, Russia, Taiwan, Switzerland, New Zealand, Italy, France, Azerbaijan, Israel, Germany, Argentina at India. Hangad nila na makakuha ng puntos sa pamamagitan ng torneong ito para mapadali ang pag-qualify sa 2020 Tokyo Olympics. Isa sa mga nasa listahan ay ang teener na si Jose Edriel Yulo ng Pilipinas na sumasabak na sa men’s competition.
Kamakailan ay nakaramdam ng panghihinayang ang buong Pilipinas sa Asian Games nang tumamlay ang performance sa finals kung kaya’t mula sa pagiging sure gold ay nalaglag ito palabas ng podium.
Pero dahil sa likas na husay, hindi nagtagal at naging instrumento ang 18-taong-gulang na binatilyo upang sa kauna-unahang pagkakataon sa kasaysayan ay maging medalist ng isang event sa Artistic Gymnastics World Championship ang isang kinatawan ng Pilipinas.
Sa naturang paligsahan na ginanap sa Aspire Academy Dome ng Doha, Qatar, nasikwat ni Yulo ang tansong medalya sa floor exercises sa likod ng isang Ruso (Arthur Dalaloyan) at isang Hapones (Kenzo Shirai). Siya rin ang pinakabatang gymnast sa kompetisyon.
Sa tunggalian sa Germany, kung maaayos ang kanyang suliranin sa visa, nasa talaan na ng mga kalahok si Yulo pagdating sa vault, pommel horse at high bar at tiyak na hindi magpapaagrabyado ang Pinoy gymnast.





Comments