top of page
SPECIAL ARTICLE - “MUNTIK NA AKONG MAMATAY KAYA DESERVE KO ‘TO!” - HEART-IG _iamhearte.jpg

Seminaryo ng San Jose, 400 taon nang humuhubog ng mga tunay na pari na lingkod ng Diyos, tao, bayan

  • Writer: BULGAR
    BULGAR
  • Nov 19, 2018
  • 2 min read

MARAMING salamat sa mahal na Seminaryo ng San Jose, ang pugad ng mga magigiting na alagad ni HesuKristo. Walumpu’t siyam na taon nang nagkakaroon ng alumni homecoming ang Seminaryo ng San Jose subalit, mahigit 400 taon na ang Seminaryo ng San Jose mula nang nagsimula ito noong 1602. Maraming humubog sa amin at kaming naging pari noong 1982, halos tatlumpu’t pitong taon na, karamihan sa aming mga propesor ay yumao na. Dalawa na lang ang nabubuhay sa katauhan nina Fr. Catalino Arevalo at Fr. Roque Ferriols. Nakapaglalakad pa si Fr. Arevalo subalit, palaging nasa infirmary si Fr. Roque.

Tinuruan kami ni Fr. Roque ng Pilosopiya at Teolohiya naman ang kay Fr. Arevalo. Hindi lang paghuhubog ng isip at kaluluwa ang ibinibigay ng seminaryo. Sinisikap na hubugin at buuin ang pagkatao ng mga seminarista upang makapagbigay ng tunay at epektibong paglilingkod hindi lang sa iilan kundi sa mga higit na nangangailangan ng tulong.

Kapag tinitingnan natin ang kabuuang larawan ng ating bansa, masasabing mayroon itong dalawang pangunahing problema. Una, ang krisis sa pamumuno, mayroon tayong mga lider na namumuno mula pangulo hanggang sa kapitan ngunit, anong klaseng lider ang mga ito? Pangalawa, ang krisis sa nanghihina at namamatay na kaluluwang Pinoy, ano na ang nangyari sa kaugaliang Pinoy, ang kalinisan ng kalooban na nakikita sa malinis at marangal na pagkilos, ang pagmamalasakit at pagdamay sa mga nangangailangan, ang tunay na pakikipagkapwa-tao, ang malalim na pagkilala sa Diyos sa lahat ng bagay, tao, panahon at sitwasyon.

Gayunman, mayroon tayong apat na ‘C’ na nais bigyang-pansin: ang Clarity, Constancy, Courage at Commitment. Clarity — pag-iisip at pagpapasya. Constancy — hindi pa-weather-weather lang na pananalita at pagkilos. Courage — katapangan sa harap ng pananakot at panggigipit at Commitment — hindi napapawi at nanghihinang pananagutan sa Diyos, tao, bansa at kalikasan.

Panalangin nating maging tunay na lider hindi lang ang mga anak ni Tata Jose kundi ang lahat ng paring Katoliko sa ating bansa. Nawa, huwag silang magsawang paalalahanan at ituwid ang mga tiwali at abusadong lider ng pamahalaan, unti-unti nilang pasiglahin, palakasin ang pinahihina at pinapatay na kaluluwang Pinoy.

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page