Malinaw ayon sa palad... LALAKING NAKATAKDANG MATUPAD ANG MGA PANGARAP SA TAONG 2019
- BULGAR

- Nov 19, 2018
- 2 min read
Dear Maestro,
Hanggang ngayon ay hindi pa rin ako nakatatagpo ng permanenteng trabaho at wala rin akong girlfriend, puro panandalian lang ang relasyong nararanasan ko.
Naisipan kong sumangguni sa inyo upang itanong kung kailan ako magkakaroon ng magandang trabaho at magkaka-girlfriend ng seryoso at pangmatagalan?
Gayundin, pakianalisa ang aking lagda kung okay ba ito o may dapat akong baguhin upang gumanda at magbago ang kapalaran ko?
Sa edad kong 32 ay gusto ko nang makapag-asawa at magkaroon ng isang maunlad at masayang pamilya. June 14, 1986 ang birthday ko.
Umaasa,
Al ng Bantug, Carranglan, Nueva Ecija
Dear Al,
Ayon sa zodiac sign mong Gemini at birth date na 14 o 5 (1+4=5) sa destiny number na 8, (6+5+1986 =1997/ 19+ 97=116/ 11+6= 17/ 1+7=8) para makatagpo ka ng permanenteng trabaho, ang dapat mong hanaping kumpanya ay ‘yung negosyo na may kaugnayan sa komunikasyon at travel dahil sa nasabing gawain ka susuwertehin at magkakaroon ng magandang kapalaran.
Bukod sa nasabing mga kumpanya na may kaugnayan sa modernong komunikasyon at paglalakbay, puwede ka ring mag-abroad dahil sa pangingibang-bansa o kaya ay sa pagnenegosyo kapag may sapat ka ng puhunan, tiyak na yayaman ka.
Hinggil naman sa paghahanap mo ng permanente at pangmatagalang karelasyon, ayon sa zodiac sign mong Gemini at birth date na 14 o 5, Mercurian type of personality ang babaeng dapat mong ligawan at maging kasintahan upang makaranas ka ng isang masaya at pangmatagalang relasyon.
Ang mga babaeng nagtataglay ng Mercurian type of personality ay medyo maliit, cute, bilugan hanggang sa korteng puso at pa-square ang hugis ng mukha, gayundin ang hugis ng buhok ay pa-square rin. Dagdag pa rito, mabilis siyang magsalita, maglakad, kumilos at palaging aligaga.
Ang ganyang uri ng babae ang ka-compatible mo na tiyak ang magaganap kung saan sa sandaling siya ang naging girlfriend mo at tuluyang mapangasawa, magiging maligaya ang itatayo ninyong pamilya at panghabambuhay mo na rin siyang makakasama.
Habang hinggil naman sa iyong lagda, okay at maganda na ‘yan. Ang dapat mo na lang gawin ay imbes na maikli ang krokes sa ibabaw ng letrang “t” sa iyong apelyido, habaan mo pa ito at mas mainam ding tapusin mo ang iyong lagda sa tuwid na guhit.
Sa ganyang paraan, kapag mahaba na ang krokes ng letrang “t” sa iyong pirma at tinapos mo ito sa tuwid na guhit, tuluy-tuloy mo nang makakamit ang lahat ng mga ambisyon at pangarap mo sa buhay.
Ayon sa Decadens ng Kapalaran, habang patuloy kang naghahanap ng trabaho at ng babaeng inilarawan na sa itaas, tiyak ang magaganap ngayong taong 2018 hanggang sa susunod na taong 2019, isa-isa ng matutupad ang mga pangarap mo sa buhay — isang matatag na trabaho at kasabay nito ay magkakaroon ka na ng girlfriend na may zodiac sign na Aquarius, ang siya mo na ring mapapangasawa at makakasama sa pagbuo ng isang simple, pero maunlad at maligayang pamilya, habambuhay.




Comments