GABUCO, MAGNO AT VILLEGAS, PANALO SA AIBA PRELIMS

MAGKAKAIBANG arangkada ang nasaksihan mula sa mga kasapi ng women’s boxing team ng Pilipinas pagkatapos ng tatlong araw ng sagupaan sa 2018 Association of International Boxing (AIBA) Women’s World Championships sa KD Jadhav Indoor Stadium, Indira Ghandi Sports Complex ng New Delhi, India.
Panalo ang mga Pinay na sina Josie Gabuco, Irish Magno at Aira Cordero Villegas sa magkakaibang duwelo sa preliminary rounds ng malupit na kompetisyon may sampung magkakahiwalay na weight brackets.
Tinalo ni lightflyweight Gabuco, tubong Palawan at isang dating Women’s World Championship gold medalist sa Quinhyangdao (2012), ang Russian bet na si Ekaterina Paltseva, 5-0, matapos na makumbinsi ang mga hurado na sina Egyptian Nagy Ismail (29-28), James Beckles (30-27), Sadie Duffy (29-28) ng Ireland, Sri Lankan Rukman Wekadapola (30-27) at Manuel Vilarino (30-27) mula sa Argentina.
Naitakas ni Magno, tubong Iloilo, ang isang 3-2 na panalo sa salpukan sa flyweight laban kay Yana Burym mula sa Belarus nang pumabor sa kanya ang mga judges mula sa Algeria (30-27), Canada (30-27) at England (30-27).
Samantala, isang Referee Stopped Contest (RSC) sa pangalawang round ang naiposte ng bantamweight na si Villegas, 23-anyos at tubong Tacloban, kontra kay Shamima Akter mula sa Bangladesh (2:09). Lamang din sa scorecards ang Pinay nang ihinto ang laban (20-16, 20-17, 20-16, 20-20-16 at 20-17) sa torneong nilalahukan ng 277 kalahok mula 62 na mga bansa.
Tumiklop ang batikang Pinay hopeful na si Nesthy Petecio, kinatawan mula sa Davao Del Sur at isang silver medalist noong 2014 Women’s World Championship, sa pambato ng Colombia sa featherweight na si Yeni Castenada Arias, 0-5, habang yumuko rin sa katulad na iskor si Carolyn Calungsod, 19-taong-gulang, kay Canadian lightweight gem Caroline Veyre.





Comments