top of page
Machong Chismisan - YT.jpg

BULLDOGS, SINAKMAL ANG UE RED WARRIORS SA END OF ELIMS

Writer: BULGAR
BULGAR
Nov 19, 2018
1 min read

TINAPOS ng Season host National University ang kanilang kampanya sa pama­magitan ng panalo makaraang padapain ang University of the East, 79-71, kahapon sa pagtatapos ng eliminations ng UAAP Season 82 Men’s Basketball Tournament sa Mall of Asia Arena.

Hindi man naabot ang kanilang inaasahan sa kanilang naitalang markang 4-10 ,panalo-talo, hindi na rin masama para sa Bulldogs ang naging performance na tinatayang aangat sa susunod na taon lalo pa’t halos intact na babalik ang kanilang roster sa susunod na season.

Ibinuhos ni Troy Rike, isa sa mga Bulldogs na naglaro ng kanilang huling laro sa liga ang kanyang maka­kaya at tumapos na may career-best 17 puntos at 13 re­bounds para manguna sa panalo. Kumamada ng husto si Rike sa second period kung saan siya nagsalansan ng sampung puntos para tulu­ngang ilayo ang Bulldogs sa pagtatapos ng first half, 44-32.

Mula roon, hindi na nakuhang dumikit pa ng Red Warriors na naitala ang 1-13 pagtatapos. Naging epektibo naman si Issa Gaye sa de­pen­sa matapos magtala ng walong blocks, na muntik ng pumantay sa UAAP record na itinala ni dating league MVP Arwind Santos ng Far Eastern University Tama­raws.

Samantala, sa inaasahan ding huling laro niya para sa UE ay tumapos namang may 20 puntos, 14 rebounds, 4 na steals at 2 assists si Alvin Pasaol kasunod si Chris Conner na may 19 puntos at 13 rebounds. (VA)

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page