top of page
BULGARY - SEN. ROBIN, MAY P150 M AMBAG SA PHIL. FILM HERITAGE, BUILDING ‘DI PA RIN NATAPOS

Retired employee na gustong mabuo ang hulog sa SSS para makakuha ng pensiyon

  • Writer: BULGAR
    BULGAR
  • Nov 18, 2018
  • 2 min read

Dear Atty. Art,

Nagtatrabaho ako sa isang chemical company sa loob ng pitong taon bago ako umabot ng edad 65. Dahil sa edad ko, itinigil na ng kumpanya ang pagbabawas at pagre-remit ng aking kontribusyon sa SSS. Ako ay nakapaghulog lamang ng 116 buwanang kontribusyon. Gayunman, nais kong mabuo ang 120 buwanang kontribusyon upang makakuha ako ng pensiyon kada buwan gayundin, nais kong mabigyan ng linaw kung maaari bang awtomatikong ihinto ng kumpanya ko ang paghuhulog ko sa SSS dahil sa edad ko? — Abegail Salazar ng Marikina

Sagot

Hindi maaaring pilitin ang employer na hulugan ang buwanang kontribusyon sa SSS ng kanyang empleyado na umabot na sa itinakdang edad ng pagreretiro na 65 o ang tinatawag na technical retirement age. Gayunman, maaaring boluntaryo itong hulugan ng empleyado upang mabuo niya ang 120 buwang kontribusyon para maging kuwalipikadong pensiyunado kada buwan.

Kasabay ng pagtuntong sa itinakda ng batas na edad ng pagreretiro, natatapos din ang legal na obligasyon ng employer na magbayad ng kontribusyon ng SSS ng kanyang empleyado. Sa edad na ito, ang employer ay may karapatang putulin o itigil ang pagtatrabaho ng manggagawa sa kanyang kumpanya sapagkat ang patuloy na pagtatrabaho ay nangangahulugang hindi lamang paghuhulog ng kontribusyon sa SSS kundi pati na rin ang paghuhulog sa kontribusyon ng Employees’ Compensation, PhilHealth at Pag-IBIG.

Gayundin, pagtuntong sa edad na 65, inaatasan ang SSS na bayaran ang miyembro ng kanyang benepisyo sa pagreretiro kahit siya ay nagtatrabaho pa. Kung hindi umabot sa kinakailangang 120 buwang kontribusyon, ang kanyang benepisyo sa pagreretiro ay maaaring mabayaran ng lump sum benefit. Gayunman, kung nais ng miyembro na makatanggap ng pensiyon, maaari niyang bayaran ang kakulangang kontribusyon nang kusang-loob.

Sa kaso ninyo, maaari kayong magpasya na ipagpatuloy ang paghuhulog ng nalalabing kontribusyon para sa apat na buwan upang maging kuwalipikadong tumanggap ng pensiyon mula sa SSS o maaaring hilingin sa inyong employer na ipagpatuloy ang paghuhulog para sa iyo. Maaari mo ring piliin ang lump sum benefit para sa iyong benepisyo sa pagreretiro.

Nawa’y nabigyan namin ng linaw ang bagay na ito.

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page