Karapatan ng mga empleyado sa ilalim ng serbisyo sibil

AYON sa ating Saligang-Batas, sinasaklaw ng serbisyo sibil ang lahat ng mga sangay, subdibisyon, instrumentalities at mga ahensiya ng pamahalaan, kasama ang mga korporasyong ari o kontrolado ng pamahalaan na may mga orihinal na karta (Seksyon 2, Artikulo IX ng 1987 Philippine Constitution).
Ang paghihirang at pagpili ng mga empleyado ng anumang sangay ng pamahalaan at ng mga sangay nito maging ng mga korporasyong pag-aari o nasa kontrol ng pamahalaan ay sa pamamagitan ng paligsahang pagsusulit at dapat gawin lamang ayon sa kanilang merito at kabagayan na pagpapasyahan hangga’t maaari at maliban sa mga katungkulang nagpapasya ng patakaran, lubhang kompidensiyal o totoong teknikal.
At bilang kawani na nasa ilalim ng serbisyong sibil, sila ay may karapatan sa seguridad sa kanilang panunungkulan. Hindi dapat matiwalag o masuspinde ang sinumang pinuno o kawani ng serbisyo sibil maliban sa kadahilanang itinatadhana ng batas.
Ang mga pansamantalang kawani ng pamahalaan ay dapat bigyan ng proteksiyong tulad ng maaaring itadhana ng batas.
Tulad ng ibang empleyado sa mga pribadong kumpanya, mga empleyado ng pamahalaan at ng iba pang sangay at subdibisyon nito ay may karapatang magtatag ng sariling organisasyon para sa kanilang kabutihan.
Ang lahat ng mga naglilingkod sa pamahalaan at mga korporasyong pag-aari at pinamumunuan ng pamahalaan na may orihinal na charter, maliban sa mga manggagawang nasa Armed Forces of the Philippines (AFP), Philippine National Police (PNP), Bureau of Fire Protection (BFP) at Bureau of Jail Management and Penology (BJMP) ay may karapatang bumuo, sumali o tumulong sa pagbuo ng isang organisasyon na kanilang pinili para sa ikalalawig at proteksiyon ng kanilang mga interes.
Maaari rin silang bumuo sa pakikipagtulungan sa mga kaukulang awtoridad ng pamahalaan ng labor-management committees, work councils at iba pang uri ng pakikibahagi ng mga manggagawa sa mga aktibidad upang makamit ang kaparehong layunin (Section 38, Executive Order No. 292).
Bukod sa mga nabanggit na manggagawa, ang mga manggagawa na humahawak ng posisyon na ang trabaho ay ang tinatawag na policy-making, managerial o gumagawa ng mga tungkuling itinuturing na highly confidential ay hindi maaaring makilahok sa organisasyon ng mga rank-and-file na manggagawa ng pamahalaan (Section 39, Ibid.).
Subalit, ang karapatang ito ay limitado sa paghahain ng petisyon sa mga kinauukulan upang bigyan ng pansin ang kanilang mga hinaing. Hindi pinahihintulutang mag-alsa (strike) ang mga manggagawa sa pamahalaan tulad ng mga nasa pribadong kumpanya dahil na rin sa ang kapakanan ng sambayanan ang nakasalalay dito.
May mga pagkakataon na ang mga manggagawa sa pamahalaan ay kinakailangang magtrabaho ng lampas sa takdang-oras dahil sa tawag ng tungkulin. Sa ganitong pagkakataon ay hindi maaaring humingi ang nasabing manggagawa ng kanyang overtime pay para sa bawat oras na pagtatrabaho ng lampas sa takdang-oras tulad ng isang manggagawa sa pribadong kumpanya.
Samantalang, ang bawat empleyado sa ilalim ng serbisyo sibil ay may karapatang maghalal, sila ay hindi dapat lumahok nang tuwiran o ‘di tuwiran sa alinmang pangangampanya sa halalan o sa iba pang pampartidong gawain sa politika.





Comments