Bukod sa PNP, pumalag sa dami ng sablay… DILG AT PAO, KAKASUHAN ANG SERYE NI COCO

Anj Cabilla / PAK ANG GANAP!

MATAPOS ang reklamong ipinarating ni PNP Chief Oscar Albayalde dahil pinasasama raw ng Ang Probinsyano ni Coco Martin ang imahe ng kapulisan, sunud-sunod na nagdagsaan ang iba pang reklamo mula sa iba’t ibang ahensiya ng gobyerno laban sa nabanggit na serye.
Isa na rito ang pagkokonsidera ng Department of the Interior and Local Government o DILG, na pinamumunuan ni Eduardo Año, na magsampa ng kaso laban sa mga producers ng seryeng Ang Probinsyano kung hindi nito babaguhin ang plot o takbo ng istorya.
Ipinaliwanag ni DILG Spokesperson Jonathan Malaya na seryosong ikinokonsidera ng ahensiya ang pagsasampa ng kaso laban sa seryeng Ang Probinsyano dahil sa hindi tamang pagpo-portray sa ating kapulisan, na inilarawan nilang “very disturbing.”
“We will seriously consider filing legal action and imposing sanctions including the prohibition on the use of PNP uniforms, properties and even using the acronym of the organization (PNP) if Ang Probinsyano continues with their grossly unfair and inaccurate portrayal of our police force,” pagdidiin ni Malaya.
Posibleng pagbawalan daw ng ahensiya ang paggamit ng Ang Probinsyano sa mga police uniforms, properties at pati na rin sa PNP dahil labag ito sa batas base sa Article 179 ng Revised Penal Code.
Dagdag ni Malaya, titingnan din nila kung may posibleng violations ang serye sa Children’s Television Act of 1997 dahil hindi ‘child-friendly’ ang tema ng Ang Probinsyano.
Lumabas ang statement ng DILG pagkatapos ipahayag ni DILG Sec. Año ang kanyang pagkadismaya sa pagpo-portray ng Ang Probinsyano sa kapulisan noong Huwebes (November 15).
Nilinaw naman niyang wala siyang balak ipatigil ang teleserye ni Coco, pero gusto niyang baguhin ang plot o ang takbo ng istorya nito.
Samantala, nu’ng Biyernes (Nov. 16), nagreklamo rin ang Public Attorney’s Office (PAO) sa pangunguna ni Chief Persida Acosta sa paggamit ng Ang Probinsyano sa logo ng ahensiya nang walang pasabi.
Aniya, “Ginamit ‘yung logo, ‘yan ang sinasabi ni Senator Ping (Lacson), eh, ‘yung paggamit ng mga insignia, ‘yung mga logo. Hindi naman ipinagpaalam sa PAO ‘yan, eh.”
Dagdag pa niya, “Dapat ho, ipinagpaalam man lang ho ‘yun (use of logo) dahil may batas sa use of insignia.”
Pinansin din niya ang maling pagrerepresenta ng Ang Probinsyano sa PAO na takot sa mga government officials.
Ipinaliwanag ni Atty. Acosta na ang PAO ay walang inuurungan basta nasa batas, na kahit na presidente ay puwedeng makontra kung hindi na nito nasusunod ang batas.
Para kay Atty. Acosta, dapat daw ay mag-consult ang teleserye sa PAO, para hindi “ma-wow mali.”





Comments