KIAMCO, NAGHARI SA VIRGINIA STATE 8-BALL

IPINAKITA ng Pinoy cue artist na si Warren “The Warrior” Kiamco ang malupit na porma upang makaakyat sa trono na walang talo nang magwakas ang 2018 Virginia State 8-Ball Championships sa Midlothian.
Rumatsada si Kiamco, tubong-Cebu at no. 31 sa AZBilliards Moneyboard ngayong 2018 dahil sa napagwagian nang mahigit $25,000, ng magkakasunod na mga panalo laban kina Reymart Lim (7-3), Christopher Wilburn (7-1), Eric Moore (7-3) at Cary Dunn (7-1) para makarating sa hotseat match taglay ang malinis na kartada. Naging topnotcher si Kiamco sa winner’s bracket nang maungusan niya si Mike Davis Jr. sa iskor na 7-6.
Dahil sa pagkatalo, napunta sa one-loss side si Davis. Dito, nagawa niyang patumbahin ang two-time Active Pool Tour winner na si Lim, 6-3, upang mahablot ang karapatang muling makasagupa si Kiamco para sa titulo.
Pero pagdating sa championship face-off nina Kiamco at Davis, hindi na napigilan ang arangkada ng Pinoy sa pagkuha niya ng korona sa paligsahang sinusuportahan ng Diamond Billiards.
Ito na ang pangatlong kampeonato ni Kiamco ngayong 2018. Naghari rin dati ang Pinoy sa Andy Mercer Memorial 9-Ball (Marso, Las Vegas) at sa Freezer’s Icehouse 10-Ball Challenge (Hulyo, Arizona).
Pangalawang podium finish ni Kiamco sa Virginia.
Noong Pebrero ngayong taong ito, sa larangan naman ng 10-Ball, nakuha ng batikang Pinoy ang runner-up honors sa likod ng Rusong si Ruslan Chinakhov.





Comments