Ipinarada ng driver, umatras | SUV, NAHULOG SA ILOG-PASIG
HALOS umabot ng dalawang oras bago naiahon ng Metropolitan Manila Development Authority ang nahulog na SUV sa Ilog-Pasig sa Guadalupe, Makati City.
Mag-aalas-12:00 ng hatinggabi nang mangyari ang insidente habang nakaparada ang Toyota Fortuner at lumabas ang driver nito na kinilalang si Luis Ponciano.
Hindi pa malinaw ang dahilan kung bakit biglang umatras ang nasabing SUV at nahulog ito sa ilog.
Ani Ponciano, naka-hand break naman ang sasakyan nang iwan niya ito habang nasa loob nito ang sugatan na si Vice-President for Operations ng Pag-IBIG Fund-NCR na si Erlinda Francisco na siyang inisyuhan ng nabanggit na behikulo.
Nang maiahon ang sasakyan, agad namang isinugod sa pagamutan ang biktimang si Francisco na nagtamo ng mga sugat sa katawan.
Nasa labas naman ng sasakyan ang isa pang pasahero nito na kinilalang si Bhecky Pangan na bumili ng gamot.
Ayon kay Traffic Investigator SPO2 Wilson Nacino, posibleng mechanical failure ang naging sanhi kaya umatras ang sasakyan kahit na naka-hand break ito.
Patuloy ang isinasagawang imbestigasyon sa nasabing insidente.





Comments