- Vyne Reyes
Pulitikong may private armed groups, tukoy na — PNP

TUKOY na ng Philippine National Police ang ilang pulitiko na umano’y gumagamit ng private armed groups (PAGs) para ipursige ang interes sa papalapit na eleksiyon.
Gayunman, ayon kay PNP Spokesperson Chief Supt. Benigno Durana, nagpapatuloy pa ang kanilang validation sa mga nakalap na impormasyon laban sa mga naturang pulitiko.
Mahigpit din ang pagmo-monitor sa mga lugar na may matinding alitang politikal kabilang ang Regions 1, 4-A, 7, 10, Cordillera Administrative Region at ARMM.
Sa tala ng PNP, umaabot sa 77 ang aktibong PAGs na may mahigit 2,000 miyembro at nag-iingat ng mahigit 1,500 armas.
Mula Enero ng kasalukuyang taon hanggang ngayong Nobyembre, umaabot na sa 18 opisyal at pulitiko ang napapatay o nasugatan dahil sa pagkilos ng private armed groups na karamihan sa mga naitala ay mula sa Region 7.
Sa kabila nito, sinabi ni Durana na hindi pa maituturing na nakaaalarma ang dami ng private armed groups ngunit, isa pa rin itong problemang panseguridad na kailangang tutukan.