- BULGAR
Panawagan sa CHED, imbes na tanggalin ang asignaturang Filipino, lalo pa itong paigtingin!
RYAN B. SISON / BOSES
USAP-USAPAN ngayon ang isyu sa naging desisyon ng Korte Suprema hinggil sa pagtatanggal ng Filipino at Panitikan bilang mga asignatura sa kolehiyo.
Kung saan nagbigay ng kani-kanyang opinyon ang bawat mag-aaral maging ang mga unibersidad na patuloy na pinaiigting ang wikang Filipino.
Gayundin, lumabas muli ang balita tungkol sa pagtuturo ng Korean language sa bansa na marami talaga ang umalma at bumatikos.
Kaya hindi napigilan ng iba na sabihing hindi pa umano bihasa ang ilang Pilipino sa pagtatagalog pero, bakit aalisin ito at ibang lengguwahe pa ang ituturo?
Gayunman, hindi tayo kontra sa iba, pero sana kung sino na lang ang gustong matuto ng ibang wika, ‘yun na lang ang mag-aral at huwag ng gawing requirements pa sa mga eskuwelahan.
Mas okay pa sana kung daragdagan at paiigtingin ang pagkakaroon ng mga asignatura na ang itinuturo ay sariling wika nang sa gayun ay maisabuhay natin ang pagiging Pilipino.
Kaya ang panawagan natin sa Commission on Higher Education (CHED), imbes na tanggalin ang Filipino at Panitikan, dagdagan pa ito, lalo na ngayong karamihan sa mga kabataan ay hindi alam ang malalalim na salitang Tagalog.
At palagi nating tatandaan ang hindi nalulumang kasabihan ni Dr. Jose Rizal, na “ang hindi magmahal sa sariling wika ay daig pa ang hayop at malansang isda.”
Kaya, wikang Filipino ay mahalin at gamitin, pagyamanin ang sariling atin!
Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com.