Pagkaing epektib na pampababa ng cholesterol
- BULGAR
- Nov 14, 2018
- 2 min read
Dear Doc. Shane,
Mataas ang aking kolesterol subalit, hindi pa ako binigyan ng anumang gamot na pampababa at sinabihan lamang akong umiwas sa pagkaing matataba. Ano ang mainam kainin na pampababa ng kolesterol? — Edgardo
Sagot
Ang pagtaas ng cholesterol ay karaniwang sanhi ng sakit sa puso at altapresyon. Kailangang mapanatili ang normal cholesterol level at mabawasan ang triglycerides (taba) para sa ikagaganda ng kalusugan.
Narito ang ilang sa pinakamabuting pagkain para sa mga taong mataas ang cholesterol:
Oatmeal — ito ay nagtataglay ng soluble fiber na may kakayahang bawasan ang pagsipsip sa low density lipoprotein (LDL) cholesterol ng dugo. Beta-glucan ang klase ng fiber na nahahanap sa oats. Ayon sa mga eksperto, ang pagkonsumo ng 20 hanggang 35 gramo ng fiber sa loob ng isang araw ay mabuti sa katawan, lalo na sa mga matataas ang cholesterol.
Avocado — masagana ito sa monounsaturated fatty acids na nagpaparami ng HDL cholesterol o good cholesterol. Kinukuha ng good cholesterol ang bad cholesterol sa mga ugat at dinadala ito sa atay upang mailabas sa ating sistema.
Nuts — tulad ng walnuts, almonds, hazelnuts, peanuts, cashews at pistachios. Ito ay naglalaman ng monounsaturated at polyunsaturated fatty acids. Ang pagkain ng 1.5 ounces ng walnuts araw-araw, sa loob ng isang buwan ay magdudulot ng pagbaba sa kabuuang cholesterol (5.4%) at LDL cholesterol (9.3%) levels.
Isdang mayaman sa Omega-3 — tulad ng salmon, tuna at iba pang fatty fish ay puno ng Omega-3 fatty acids na kilalang nagpapababa ng triglycerides at LDL cholesterol sa dugo.
Soy — ang tofu ay sagana sa protina, Omega-3 at good cholesterol. Wala rin itong LDL cholesterol na bumabara sa ating arteries kung saan nagdudulot ito ng mga seryosong sakit. Ang pagkonsumo ng 25 grams ng soy protein ay kayang pababain ang dami ng bad cholesterol nang 5-6%.
Gayunman, mahalaga pa ring kumonsulta sa doktor upang makapagpakonsulta at maresetahan kayo ng tamang gamot para mapababa ang inyong kolesterol.
Comments