Lolang nagpapanggap na mamimili, magnanakaw pala!

“PAKIBALOT ng Christmas wrapper, ireregalo ko sa mga apo ko”. Mga suki, kapag narinig ninyo ang mga katagang ito, makiramdam na kayo dahil gumagala ang isang lola na nagkukunwaring shopper pero, kawatan pala!
Para sa mga kababayan nating saleslady sa mga mall at department store ang ibabahagi nating karanasan ng isang reklamong nakarating sa inyong lingkod para ma-educate at maalarma ang mga ka-Bulgar natin sakaling mapadpad ang balasubas na lola sa inyong lugar.
Mga suki, manmanan ninyong mabuti ang mga mamimili sa inyong puwesto dahil nagkukunwari ang demonyong lolang ito na namimili ng mga pambatang damit na malikot ang mga mata na kung makikita ninyo ay seryoso ito sa kanyang ginagawa.
Ang modus, kapag may napili na siyang bibilhin ay ipapatong nito ang mga damit sa bag o cellphone na kanyang nanakawin at uutusan nito ang tindera na balutin ang mga damit na kanyang napili na kapag naging busy na ang saleslady ay dito na nanakawin ang cellphone o bag ng tindera at agad itong tatakas tangay na ang mga ninakaw na importanteng mga gamit ng biktima.
Ang hinayupak na lola ay may katabaan, maiksi ang buhok, kayumanggi, naka-duster, mga limang talampakan ang taas, bilugan ang mukha at nakatsinelas lamang na madalas ay sa giftwrapping pumunta para magpabalot ng regalo dahil hindi matao ang lugar na ito.
Kapag napagawi ang demonyong suspek na ito sa inyong puwesto, eh, sundan na ninyo ito agad at subaybayan ang gawain nito dahil nagkukunwari itong namimili pero, kawatan pala.
Sinasamantala nito ang ganitong mga panahon na bigayan ng bonus at 13th month pay na ang paborito nitong puntahan ay ang mga mall dahil sa pagpasok ng Holiday Season.
Ikaw kaibigan, anong sey mo?
Laging tatandaan, walang maloloko kung walang magpapaloko!
Ligtas ang may alam!
Kaya ikaw, ako, tayo… mag-ingat!





Comments