Search
  • BULGAR

Kultura ng mga 'Iskolar ng Bayan', humihina na nga ba?

FR. ROBERT P. REYES / PATAKBO-TAKBO

HALOS tatlumpu’t pitong taon na mula noong naglingkod tayo bilang katulong na pari sa parokya ng Banal na Sakripisyo sa UP Diliman. Buhay at masigla ang aktibismo ng buong “Academic Community” mula mag-aaral hanggang sa mga propesor at maging ang mga non-academic personnel. Bagamat, nagkakahulihan at maraming matinding paglabag sa karapatang-pantao ng kapulisan at kasundaluhan, nakahahanap pa rin ang marami ng puwang upang mamahayag at kumilos sa ngalan ng katotohanan at katarungan. Kapag pinag-usapan ang naturang Iskolar ng Bayan, dama ng karamihan kung ano ang kahulugan at kahalagahan nito. Napakaraming estudyanteng mahihirap ngunit, matatalino na walang pangtustos sa pang-araw-araw na pangangailangan. Nagsisikap at nagtitiis ang mga ito kasabay ng sari-saring hamon noong panahon ng Batas-Militar o Martial Law.

Sa awa ng Diyos, sa kabila ng pag-alis ng diktador at ng kanyang pamilya, mayroong mga mag-aaral, taong-Simbahan, manggagawa, magsasaka, mangingisda at iba pang kasapi ng mga batayang sektor ang nagpatuloy ng pag-aaral at pag-oorganisa laban sa anumang katiwalian ng pamahalaan. Marami sa mga indibidwal ang hanggang ngayon ay kumikilos para sa patuloy na pagsusuri at pagbatikos sa pamahalaan at sa mga nakapuwesto rito subalit, kapansin-pansin ang pananamlay sa maraming lugar, mga paaralan at unibersidad, mga Simbahan at iba pang sektor. Marahil, inisip ng ilang mga namumuno na tapos na ang problema at maaari nang magpahinga.

Gayunman, ngayong laganap na ang paglabag sa karapatang-pantao marahil, hindi na kagulat-gulat ang kawalan ng matinding pagtutol ng nakarara­ming mamamayan sa hayagang paglabag sa batas.

Ito ang dahilan kaya naitanong kung nagbabago na ba ang UP, lalo na sa ilalim ng kasalukuyang pangulo na si Atty. Danny Concepcion.

Walong buwan na ang nakararaan mula ng masunog ang UP Shopping Center ngunit, wala pa ring linaw tungkol sa plano ng administrasyon para sa mga nawalan ng puwesto. Gayundin, wala pa ring kuryente at tubig dito.

Ano na ba ang nangyayari sa kamalayan, konsensiya at kultura ng UP Diliman? Humihina na ba ang Iskolar ng Bayan, ang mga tumatangkilik sa mismong kultura ng Iskolar ng Bayan?

0 comments

Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
BULGAR LOGO

Bulgar Online.

Call us : (02) 995-3732

© 2021 bulgaronline

Sison's Publishing House, Inc.