- Eddie M. Paez, Jr.
YOUNG, INANGKIN ANG RAPID CROWN SA ASIAN SENIORS CHESS C’SHIPS

RUMATSADA palayo sa pinakamalapit niyang mga karibal sa homestretch si 3rd seed at International Master Angelo Young para maangkin ang korona ng rapid chess sa 2018 Asian Seniors Chess Championships sa Lungsod ng Tagaytay
Sinakyan ni Young, may rating na 2281, ang mga panalo kina Malaysian FIDE Master Ahmad Ismail (round 1), FM Adrian Pacis (round 4), AGM Angelito Camer ng Australia (round 5), Myanmar ace Than Khin (round 3), at ang mga kababayang sina Carlo Lorena (round 2) at Rosendo Bandal Jr. (round 6), bago siya nakipaghatian ng puntos sa huling yugto ng kompetisyon kay Iranian Iraj Sabah nang wala nang makakaagaw sa kanya ng titulo sa larangan ng mabilisang chess taglay ang kartadang 6.5 puntos.
Nakuntento si Pacis sa bridesmaid finish sa tulong ng 5.5 puntos samantalang nahablot ni Aitkazy Baimurzin ng Khazakstan ang pangatlong puwesto laban kina Sabah, Roizon Roullo at Stewart Manaog dahil sa limang puntos niyang produksyon at bunga na rin ng mas mataas na tiebreak points.
Samantala, sa main event na standard chess, lalong lumapit ang posibilidad ng isang Pinoy sweep sa podium nang matapos ang penultimate round na tatlong chessers ng bansa ang nasa top 3 na puwesto.Ito’y sina IM Chito Garma (7.0 puntos), IM Petronio Roca (6.5 puntos) at 2017 champion GM Eugene Torre (6.0 puntos). Dalawang pawnpushers pa ng bansa ang nakaupo sa pang-apat at panglimang posisyon.