Organizer, sinisi, sponsor dapat daw kasuhan…PRECIOUS LARA AT ALMA, NAGSALITA NA RIN SA SEX PALIT KO
- BULGAR

- Nov 11, 2018
- 2 min read

MAINIT na usapin pa rin ang ‘sexual harassment’ o ‘sex palit korona’ na ibinulgar ng tatlong kandidata ng Miss Earth 2018 na ang involved ay isang sponsor ng katatapos lang na beauty pageant.
Kaya naman sa press launch kahapon ng anim na advocacy films ng bagong production outfit na Flying High Productions ng retired US army-turned producer na si Joshua Macapagal, nahingan ng reaksiyon ang dalawang former beauty queens na sina Precious Lara Quigaman at Alma Concepcion.

Kasama kasi sina Lara at Alma sa isa sa anim na movies ng Flying High, ang Sarah and Cedie na pinagbibidahan ng magkapatid na baguhang young actors na sina Sawera at Aryan Akhtar.
Gaganap na ina ng dalawang bata si Lara habang si Alma naman ay first time raw tumanggap ng yaya role para maiba lang.
Anyway, nang matanong nga kung ano’ng masasabi nila sa sexual harassment issue ngayon sa Miss Earth, si Lara ang unang sumagot.
“Siyempre, nakakalungkot kasi dito sa bansa natin ginawa ang Miss Earth. Nakakalungkot na ‘yung ibang candidates, naka-experience ng ganu’n. Siguro, ‘di lang naman sa beauty pageants. I’m sure it happens everywhere else.”
Pero happy din naman daw siya dahil nagkaroon ng lakas ng loob ang mga kandidata na ibulgar ang nangyaring sexual harassment, although nu’ng time raw niya sa Bb. Pilipinas ay wala namang ganyang ganap.
Si Alma naman ang natanong kung sa tingin niya ay malaking kabawasan sa imahe ng ‘Pinas ang iskandalo sa Miss Earth at dapat bang kasuhan ang sponsor na si Mr. Amado Cruz na nag-take advantage raw sa ilang kandidata.
Ayon sa Bb. Pilipinas International 1994, “Na-sad din ako for the Phils., for the image na naman ng ating mga kababayan. Pero ‘yun nga, women empowerment, natuwa rin ako.”
Nu’ng time raw nila sa Bb. Pilipinas ay hindi nakakalapit ang mga sponsors sa mga kandidata, kaya dapat daw ay kontrolado ito ng mga organizers ng beauty pageant.
Agree rin siya sa ginawa ng mga kandidata na nagsalita sa social media at tama lang din daw na kasuhan ang sponsor na sinasabing nang-harass sa mga ito.
Going back to their movie, ayon kay Lara, pumayag siyang mapasama sa cast ng Sarah and Cedie kahit hindi ito for commercial run kundi sa mga schools lang nationwide ipapalabas dahil katrabaho niya rito ang mister na aktor ding si Marco Alcaraz.
Anyway, ang iba pang movies na produced ng Flying High Productions na lahat ay mula sa direksiyon ni Errol Ropero ay A Walk to Remember, The Prince of Music, My Music Hero Teacher, Mga Munting Pangarap at Science en Marsha.
Kasalukuyan nang iniikot at ipinapalabas ngayon sa mga public at private schools ang ilang pelikula ng Flying High, habang ang iba ay gagawin pa lang.





Comments