Mga tinderang hindi susunod sa SRP sa bigas, pagmumultahin!
- BULGAR

- Nov 11, 2018
- 2 min read
KASUNOD ng buwelta ng ilang rice retailers hinggil sa suggested retail price (SRP) na ipinatupad ng pamahalaan, nagbanta si Department of Agriculture Secretary Manny Piñol na ang mga rice trader na hindi susunod sa ipinatupad na SRP na itinakda ng National Food Authority (NFA) ay matatanggalan ng lisensiya, kakasuhan at papatawan pa ng malaking multa.
Kung saan sinabi niya na: “Sanctions include a written warning on the first offense and for succeeding offenses, the violators could suffer penalties of a jail term of between four months and four years and a penalty of between P2,000 and 1 million. The NFA will also cancel their licenses to engage in rice trading and retailing.”
Kasabay ito sa pagsisimula ng implementasyon ng SRP sa mga ibinebentang bigas sa mga pamilihan mula pa kahapon.
Ayon kay Sec. Piñol, nagbigay na umano sila ng pagkakataon sa mga negosyante na ibenta muna ang mga bigas na nabili sa mas mahal na halaga sa mataas na presyo noong mga nakaraang buwan pa kaya hindi na sila mapagbibigyan sa palugit na hinihingi nila.
Dagdag pa rito, maliban sa SRP ay naghihigpit na rin ang NFA sa pagpapatupad ng color coding para sa price list ng mga itinitindang bigas.
Samantala, sa inilabas na SRP ng NFA ang regular milled rice ay nagkakahalaga ng P39 kada kilo, ang well-milled rice naman ay P44 bawat kilo, premium rice ay P47 para sa mga nabili sa local source habang P43 kada kilo para sa mga imported na variety.
Gayunman, ang hiling natin ay magkasundo na sana ang lahat nang sa gayun ay masolusyunan natin ang mas mabibigat na problemang kinahaharap ng bansa.
Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com.





Comments