- Jeff Tumbado / Madel Moratillo
Kahit guilty sa graft — Comelec | KANDIDATURA NI IMELDA MARCOS, TULOY

KAHIT convicted sa kasong graft sa Sandiganayan, hindi pa rin madidiskuwalipika sa May 2019 National and Local Elections (NLE) ang dating unang ginang at ngayo’y Ilocos Norte Representative Imelda Romualdez Marcos.
Ang paglilinaw ay ginawa ng Commission on Elections (Comelec) kasunod ng kuwestiyon ng singer na si Leah Navarro ng Black and White Movement kung ano na ang mangyayari ngayon sa kumakandidatong si Marcos ngayong na-convict siya ng Sandiganbayan sa pitong bilang ng kasong graft.
Matatandaang, kakandidato bilang gobernador sa darating na halalan si Marcos.
Paliwanag ni Comelec Spokesperson James Jimenez, ito ay dahil hindi pa naman pinal ang conviction kay Marcos.
Kaya naman hindi pa ito maaaring gamitin upang diskuwalipikahin ang kanyang kandidatura.
Nauna rito, sa desisyon ng Sandiganbayan 5th Division, napatunayang guilty si Marcos sa pitong bilang ng kasong paglabag sa Anti-Graft and Corrupt Practices Act at sinentensiyahang makulong ng anim hanggang labing-isang taon para sa bawat bilang ng kaso.
Hindi dinaluhan ni Marcos ang promulgation ng korte sa kanyang kaso.
Maliban sa hatol na pagkakakulong, diniskuwalipika rin siya ng Sandiganbayan sa pag-upo at paghawak sa anumang puwesto sa gobyerno.
Sa reklamo na unang inihain noong 1991, kabilang sa mga akusasyon kay Marcos ang pagkakaroon ng interest at partisipasyon sa ilang non-government organizations sa Switzerland mula 1978 hanggang 1984.
Kabilang sa mga organisasyon ay ang mga sumusunod:
Vibur Foundation, Maler Establishment, Trinidad Foundation, Rayby Foundation, Palmy Foundation, Aguamina Foundation at Avertina Foundation.
Inakusahan din ng Ombudsman si Marcos ng paglilipat ng ill-gotten wealth na nagkakahalaga ng halos $30 million patungo sa isang French Bank, gayung wala pang $1 milyon ang idineklara niyang lawful income noong 1965 hanggang 1985.
Kaugnay nito, ipinaaaresto na rin ng Sandiganbayan si Marcos matapos kanselahin ang bail bond na nauna nang inilagak nito nang isampa sa kanya ang mga kaso.
Gayunman, ayon kay Assistant Special Prosecutor Rey Quilala, maaaring ma-lift o mabawi ang arrest order sa dating unang ginang dahil hindi pa naman pinal ang conviction sa kanya. Ani Quilala, maaari pang maghain ng apela si Marcos.
Batay sa procedure, pinapayagan ng Sandiganbayan ang provisional liberty ng convicted na indibidwal habang nakabimbin ang apela. Iginiit ng Malacañang na ang hatol kay Marcos ay patunay na may umiiral na justice system sa bansa. Ayon kay Presidential Spokesman Salvador Panelo, magsisilbing paalala at babala sa lahat ng mga nasa gobyerno na mayroon silang pananagutan sa taumbayan na pinaglilingkuran.