Imbestigasyon sa ‘palpak na bakuna’, tuloy lang!

KASABAY ng kaliwa’t kanang kontrobersiya na nagaganap sa bansa, may mga isyu na hindi dapat hayaang mapag-iwanan.
Tulad ng usapin sa sinasabing palpak na bakuna.
Isinailalim na sa autopsy ng Public Atorney’s Office ang ika-100 bata na pinaniniwalaang namatay makaraang maturukan ng anti-dengue vaccine na Dengvaxia.
Batay sa ulat, hinukay ang katawan ng batang si Carl Guillier Alfaro, base na rin sa kahilingan ng kanyang mga magulang na isailalim ito sa autopsy.
Matapos maisagawa ang pagsusuri, natuklasan ang pagdurugo sa utak at internal organs ng bata.
Nakita rin na may pamamaga sa kanyang internal organs tulad ng sintomas na nakita sa naunang mga bata na isinailalim sa awtopsiya ng ahensiya.
Kailan kaya magkakaroon ng linaw sa kasong ito?
Matatapos na naman ang taon, tiyak na mas marami pang mangyayari at palaging may pagkakataon na masapawan ang isyu sa bakuna.
Gayunman, tulad ng mga magulang ng mga batang naturukan, umaasa tayo na hindi ito basta malilimot.
Hangga’t walang malinaw na paliwanag at hindi natitiyak kung mayroon o sino ang mga dapat managot, huwag natin itong tantanan.





Comments