- BULGAR
Nasayang na relief goods, hindi na dapat maulit!
SONNY ANGARA / AGARANG SOLUSYON
MADALAS, nababasa natin ang hashtag na ito mula sa mga taong nakaranas ng kabiguan sa isang pangyayari sa kanyang buhay. Karaniwan, makikita natin ang post na ito sa mga na-heartbroken, niloko ng boyfriend o girlfriend o kaya ‘yung mga naloko sa matatamis na salita ng kung sinu-sino.
Never Again o huwag nang mauulit pero, ang mas masakit ‘yung mabalitaan nating sinunog na lang ang nabulok na relief goods dahil sa mga regulasyon na nagpapatagal sa pamimigay nito sa mga nangangailangan. Mapapailing ka na lang sa inis at panghihinayang. Dapat, huwag na itong mauulit.
Nitong nakaraang buwan, apat na containers na punumpuno ng donasyon para sa ‘Yolanda’ survivors ang natagpuan ng mga awtoridad sa Cebu. Pero, dahil expired na ang relief goods, pinili na lang nilang sunugin. Ang sabi ng mga opisyal, hindi raw naipamigay ang mga ito dahil kulang sa mga kaukulang papeles.
Ang mga donasyon na dumating sa bansa noong Enero 2014 o dalawang buwan matapos ang pananalasa ng Bagyong Yolanda ay mula pa sa Belgium, London at Norway. Karamihan sa mga ito ay naglalaman ng mga damit, sabon, shampoo, de-lata, gamot at diapers. Malaking tulong sana kung naipamigay lang agad pero, sinunog na lang dahil wala nang silbi.
Ang alam natin noon, tila kinulang ang relief goods. ‘Yun pala, may kung anu-anong regulasyon na dinaraanan ang mga dokumentong kaakibat ng mga donasyon. Hindi kasi puwedeng basta-basta na lang ipamigay. Pero, sa sitwasyong tulad ng “Yolanda”, dapat ba talagang dumaan pa sa iba’t ibang ahensiya at proseso ang mga donasyon bago ibigay sa mga kinauukulan? Para sa atin, may mali rito.
Hiling natin sa gobyerno para hindi na maulit ang nakalulungkot na pangyayaring ito ay magkaroon tayo ng permanente at nag-iisang tanggapan na siyang mangangasiwa sa mga donasyon. Huwag na sanang dumaan pa sa kung saan-saang ahensiya at tao para siguradong iisang opisina lang ang alam nating tanungin at hanapan ng mga dumating na donasyon – one-stop-shop.
Sa ilalim ng Republic Act 10863 o ang Customs Modernization and Tariff Act (CMTA) na isinulong natin noon sa Senado, iniaatas ang agarang pagpapalabas ng “calamity aid” na hindi na dapat pang buwisan. Dapat may express lanes din para mapabilis ang pamimigay ng emergency relief sa mga nangangailangan.
Malinaw sa batas na kapag ang tulong o donasyon ay para sa mga biktima ng kalamidad, kailangang tax-free at may paunawang ‘do not delay’ o hindi dapat pinatatagal ang pagbibigay ng tulong sa calamity victims.
Buong taon tayong binabagyo, dagdag pa ang ibang uri ng kalamidad kaya mainam kung mayroon tayong ‘point office’ para alam natin kung saan at kanino nakatoka ang deliberasyon ng relief goods.
Huwag na sanang maulit ang nangyari sa mga donasyong ito. Basahin natin ang kaukulang batas para rito.