- Jeff Tumbado
Human rights lawyer tinodas
PINAGBABARIL hanggang sa mapatay ng riding-in-tandem ang isang human rights lawyer sa Kabakanlan, Negros Occidental.
Dead-on-the-spot bunsod ng limang tama ng bala ng baril si Atty. Benjamin ‘Ka Ben’ Ramos, 56, secretary- general ng National Union of Peoples’ Lawyers (NUPL)-Negros Chapter.
Batay sa inisyal na report, alas-10:30 ng gabi nang pagbabarilin ng dalawang lalaking sakay sa motorsiklo ang biktima habang ito ay nakatayo sa harap ng tindahan sa Rojas St., Bgy. 5.
Pauwi na umano si Ramos makaraang maghain ito ng isang mosyon na may kinalaman sa kasong kinahaharap ng mga aktibista.
Si Ramos ay abogado ng grupong Karapatan at tumatayong legal counsel ng tinaguriang ‘Mabinay 6’ o anim na mga activist-organizer na naaresto sa Mabinay, Negros Oriental noong Marso ngayong taon.
Matatandaang, kabilang sa mga naaresto ang graduate ng BA Mass Communication sa University of the Philippines-Cebu na si Myles Albasin.
Ang ‘Mabinay 6’ ay sinampahan ng kasong illegal possession of firearms and explosives makaraang mahuli ng mga sundalo sa Mabinay dahil nakuha sa kanila ang apat na M-16 rifles at dalawang M-4 rifles.
Ayon sa grupong League of Filipino Students, people’s lawyer si Ramos at patuloy na nagbibigay ng serbisyo para sa mga political prisoner at aktibista na hinuli ng gobyerno.
Gayunman, noong April 2018, ang pangalan ni Ramos ay napasama sa listahan ng mga sinasabing miyembro ng Communist Party of the Philippines (CPP) sa ipinakalat na flyers sa Negros Oriental.