WESTBROOK, KAHIT INJURED WAGI PA; HARDEN, BUMIDA


BAGAMAT out na sa second half si Oklahoma City star point guard Russell Westbrook dahil na rin sa dinanas na ankle injury, si Dennis Schroder ang bumalikat para makaiskor ng siyam na sunod na puntos para sa Thunder pagdating ng 4th quarter upang matulungan ang team na magwagi sa 122-116 na panalo kontra sa bisitang New Orleans Pelicans kahapon.
Tumapos si Schroder na may season high puntos, may 16 sa second half nang palawigin pa ng Thunder ang winning streak sa limang panalo matapos na matalo sa unang apat na games.
Ito ang ika-6 na sunod na talo ng New Orleans matapos ang 4-0 start. Ito na rin ang pinakamahabang losing streak ng Pelicans mula nang matalo sa unang walong laro ng 2016-2017 season.
Nagkaroon ng tsansa si Schroder para sa kanyang big finish matapos na matapilok si Westbrook sa nalalabing 4:25 na minuto ng 3rd quarter.
Umaringking sa sakit si Westbrook at sapu-sapo ang kaliwang paa bago sumalampak sa sahig dahil sa sakit at pagkadismaya. Agad siyang dinala sa kanyang locker room. Hindi na siya nagbalik sa laro at hindi pa malinaw ang kanyang lagay.
Unang hindi nakalaro si Westbrook sa dalawang game dahil n rin sa offseason knee surgery.
Samantala sa iba pang laro, umiskor si James Harden ng 28 puntos pero ang nag-iisang block niya ang nakatulong sa Houston Rockets para sa ikatlong sunod na panalo, 98-94 kontra Indiana Pacers sa Bankers Life Fieldhouse.
Umiskor si Pacers guard Victor Oladipo ng pitong sunod na puntos sa krusyal na minuto, pero binlock ni Harden si Oladipo sa nalalabing 28.8 segundo sa kalamangan ng Rockets na 93-90. Si Harden ang nagpanalo sa dalawang free throws sa natitirang 5.4 segundo.
Samantala, pumuntos ng 17 si Kyle Lowry, may 11 assists at 7 rebounds para maipanalo ang Toronto Raptors, 124-111 laban sa host Utah Jazz. Tumarak si Jamal Murray ng career-high 4 puntos upang talunin sina Kyrie irving at nagawa ng host Denver Nuggets na talunin ang Boston Celtics, 115-107.
Sumablay nga lang si Murray na maging unang Denver player mula nang gawin ni Carmelo Anthony ang 50 puntos sa game. Dalawang beses itong nagawa ni Anthony na ang huli ay noong Pebrero 7, 2011, dalawang linggo bago siya nailipat sa New York Knicks. (MC)





Comments