- BULGAR
Tulong mula sa TESDA, hatid sa iyo ay ginhawa!
ALVIN FELICIANO / TESDA AT YOUR SERVICE
MGA ka-TESDA, ang bawat pangarap sa buhay ay may kalakip na karanasan na maaaring hindi maganda, pero sa tulong ng TESDA, ang hirap na ito ay masusuklian ng tagumpay. Ang tagumpay na inyong inaasam ay tiyak na makakamit kapag ang TESDA ang inyong napiling lapitan dahil dito, libre ang pag-aaral ninyo!
Tanong: Nagtapos ako ng dalawang taon sa kursong Information Technology at kasalukuyang nagtatrabaho sa isang pribadong kumpanya. Nais ko sanang makakuha ng NC para magamit abroad. Paano ba ako makakukuha nito? — Michael Quizon
Sagot
Mga ka-TESDA, kung kayo ay may karanasan na sa larangan ng nabanggit maaari na kayong pumunta sa Assessment Centers, ipakita ang Certificate of Employment (COE) upang makakuha ng exam at kapag naipasa ninyo ito ay makakukuha na kayo ng National Certificate. Magtungo na sa pinakamalapit na TESDA sa inyong lugar upang mabigyan nila kayo ng mga eskuwelahan kung saan maaari kayong makapag-exam.
Tanong: Magandang araw! Ako ay estudyante at balang-araw ay nagnanais makapag-training sa TESDA. Nais kong malaman kung anu-ano ang pagkakaiba ng NC II, NC III at NC IV? — Kristel Baquiran
Sagot
Mga ka-TESDA, ang mga numero sa National Certificate o NC ay nagpapahiwatig ng antas ng kadalubhasaan ng NC holder, halimbawa, ang manggagawang NC IV holder kadalasan ay mas mahusay at mas marami ang tungkulin sa trabaho kaysa sa NC III holder. Gayundin ang NC II holder na maituturing na mas mahusay at mas malawak ang kaalaman kaysa sa NC I holder.
Mga ka-TESDA, kung nais ninyong umunlad ang inyong buhay ay nais din ng mga taga-TESDA para sa inyo. Sa napakaraming programa ng TESDA, tiyak na hindi kayo mauubusan ng pagkakataon kaya huwag sayangin ang mga pagkakataong nakabukas at nakahain, pumunta na sa pinakamalapit na TESDA sa inyong lugar at mag-enroll na nang makamtam ang magandang pagbabago sa inyong buhay.