- BULGAR
Rico J. Puno, isang hindi malilimutang Filipino Music Icon, pramis!
IMEE R. MARCOS / BUKING!
BAGO pa ang Undas ay naging malungkot ang hanay ng mga nasa music industry dahil sa pagpanaw ng isa sa mga beteranong mang-aawit at kilala ring Filipino Music Icon na si Enrico ‘Rico’ J. Puno.
Naging makulay ang mundo ng industriya ng Philippine music dahil sa tulad ni RJP na hindi lang magaling kumanta kundi hinangaan din dahil sa kanyang pagiging mapagbiro at pagiging masayahin sa entablado sa tuwing siya ay nagpe-perform.
Hindi man siguro ganu’ng ka-popular sa mga millennial ang singer, imposibleng hindi nila kilala ang mga kantang pinasikat nito tulad ng “May Bukas Pa”, “Macho Gwapito”, “Magkasuyo Buong Gabi”, “Sorry na, Puwede Ba?” at marami pang iba.
Nakatatak na sa kamalayan ng maraming Pinoy, lalo na ‘yung mga mahihilig sa musika, ang kanyang mga kanta at siya na rin mismo. Hinangaan siya dahil sa maganda niyang boses na kapag narinig natin ay madali itong ma-identify dahil sa walang katulad ang boses nito.
Oo nga at mayroon ding mga isyu na hinarap si RJP (eh, sino bang wala?) tulad ng mga relasyong pinasok nito maging sa pagsabak niya sa politika at mga nakaalitan sa loob at labas ng showbiz industry, pero nalampasan niya ang lahat ng ito at nangibabaw pa rin kung ano siya bilang musikero at marahil dahil na rin sa mga naniniwala at humahanga sa kanyang pag-awit.
Gayundin, masasabing malaking pangalan ang iiwan ni RJP sa music industry dahil sa kanyang mga naging kontribusyon sa music at maging sa showbiz industries. Nakatatak na rito ang ganda ng kanyang boses, galing sa pagkanta at pagpapakuwela. Marami pang susulpot na magagaling na singer, maaaring may mas magaling pa sa kanya. Pero, iisa lang at bukod-tangi ang tulad ni Rico J. Puno.