- BULGAR
Nagkukunwaring pintor, magnanakaw pala!
JUN R. GUILLERMO / MODUS OPERANDI PINOY ISTAYL
MGA ka-Bulgar, natapos na ang paggunita ng pista ng mga santo at pista ng mga kaluluwa kaya abot-tainga ang ngiti ng mga demonyong ito dahil muli silang nakapambiktima tulad ng mga isnatser, mandurukot at akyat-bahay.
Ito-throwback natin ang mga pangyayari noong Undas dahil posible itong muling mangyari sa susunod na mga araw dahil walang pinipiling oras at araw ang mga halang ang kaluluwa sa paggawa ng krimen.
Alam n’yo ba mga suki na ang mga isnatser ay nagkukunwari ring dumadalaw sa mga sementeryo hindi para magdasal sa kanilang mga patay kundi nagmamanman lang sa kung sino ang posible nilang mabiktima?
Gayundin, ang mga mandurukot na sumasabay sa buhos ng mga taong naglalakad na nagkukunwaring kakilala pero, kumukuha lamang ng tiyempo para dukutan ang biktima.
Ang mga hinayupak na akyat-bahay ay nakikisabay din sa mga naglalakad pero, ang mga ito ay pinag-aaralan ang mga dinaraanang bahay na kapag sa tantiya nila ay walang tao sa bahay ay saka nila ito sasalakayin para pagnakawan.
Ang mga pintor o artist na nagkukunwaring nagpipintura ng mga puntod pero, malilikot ang mga mata na nagmamanman kung sino ang nanakawan ng mga importanteng gamit tulad ng cellphone, pera, alahas at bag at kapag nagtagumpay ay agad nilang ipinapasa sa kasabwat na nagkukunwari ring pintor at artist, pwe!
Gayunman, muli nating ibinahagi ang mga modus na ito para ma-educate ang publiko para makapag-ingat na rin at maalarma sa ganitong mga pangyayari na ang nagdurusa ay ang taumbayan.
Ikaw kaibigan, anong sey mo?
Laging tatandaan, walang maloloko kung walang magpapaloko!
Ligtas ang may alam!
Kaya ikaw, ako, tayo… mag-ingat!