- Madel Moratillo
Dagdag-sahod, aprub — DOLE | SAAN AABOT ANG P25 MO?

“HANGGANG saan aabot ang P25 ng manggagawa ng NCR sa taas ng presyo ng mga bilihin at pamasahe ngayon?” Ito ang hirit ni ACT Teachers Partylist Representative Antonio sa inaprubahang dagdag-sahod.
“This measly wage hike for one region will not be enough to compensate price hikes from TRAIN as workers all over the nation endure the price hikes of basic goods due to TRAIN 1. They are demanding for a P750 national minimum wage not loose change of P25,” dagdag pa nito.
Iginiit naman ni Associated Labor Union-Trade Union Congress of the Philippines Spokesperson Alan Tanjusay na hindi sapat ang nasabing halaga para tugunan ang pangangailangan ng higit 3 milyong minimum wage earners sa Kalakhang Maynila.
Sa ngayon inihahanda na umano ng ALU-TUCP ang panibagong apela para sa wage increase. Asahan din umano ang kilos-protesta mula sa kanila at mga kapwa labor group.
Nauna rito inaprubahan ng National Capital Region Wage Board ang P25 umento sa sahod ng mga minimum wage earner sa Metro Manila.
Ayon kay Labor Secretary Silvestre Bello, magiging epektibo ang pagpapatupad ng wage hike matapos ang 15 araw.
Dahil sa umento, magiging P537 na ang bagong daily minimum wage sa Metro Manila. Sinabi pa ni Bello na kasama na sa wage hike ang P10 na COLA o cost of living allowance.
Ayon kay National Wages and Productivity Commission Executive Director Criselda Sy, kasama sa ikinonsidera ng Board ay ang kapasidad ng mga employer na magpatupad ng wage hike at ang kasalukuyang ekonomiya.
“It is a potential source of second round inflationary effect. Ibig sabihin po, kung ang inflation level natin ay 6.7 percent, mas maaari pong tumaas pa diyan,” paliwanag ni Sy.
Kaugnay nito, may dagdag-suweldo rin ang mga minimum wage earner sa Cagayan Valley. Ayon sa DOLE, may P10 na dagdag sa basic pay ang mga manggagawa sa Cagayan Valley at P10 na COLA.
Dahil dito, nasa P320 hanggang P360 na ang minimum wage sa Cagayan Valley. Ang wage hike ay malayo sa hiling na P100 dagdag-sahod ng TUCP.
Ayon kay TUCP Spokesperson Alan Tanjusay, baryang-barya ang P25 increase na ito para sa mga malalaking negosyante.
Kahit isang kilong NFA rice ay hindi aniya kayang makabili ng P25 wage adjustment na ito.