- BULGAR
Tulong sa mga kababayang may malubhang karamdaman, gawin!
SONNY ANGARA / AGARANG SOLUSYON
TRADISYON na nating mga Pinoy na kapag may sakit ang mga mahal natin sa buhay ay aligaga tayo at halos hindi tayo mapakali hangga’t hindi sila tuluyang gumagaling.
Pero, paano kaya ang pag-aalalang nararamdaman ng mga kababayan nating ang mga mahal sa buhay ay may sakit na wala nang lunas o ‘yung tinatawag na may taning na?
Paano kaya iisipin ng mga kababayan nating ito ang pagpapagamot sa kanilang kaanak na may terminal illness na lubhang napakamahal nang gamutan?
Kaugnay nito, may isinusulong na panukala sa Senado, ang Senate Bill 1555. Layunin nitong ipasakop sa ating umiiral na health care system ang hospice at palliative care para sa mga pasyenteng may malubhang karamdaman. Pangunahing hakbang na ipatutupad nito ay gawing abot-kaya ang pagpapagamot sa mga sakit na kadalasan ay wala nang lunas.
Sa talaan ng World Health Organization (WHO), ang mga karamdamang nangangailangan ng palliative care sa mga huling sandali ng pasyente ay cancer, cardiovascular diseases, malalang sakit sa baga, kidney failure, HIV-AIDS, Alzheimer’s disease at iba pang dementia-related diseases.
Ayon sa datos ng mga eksperto, marami sa mga Pilipino ay may sakit na cancer at iba pang nakamamatay na karamdaman. Paano na ang mahihirap nating kababayan na may mga ganitong kondisyon o ang mga kaanak nila na mangangalaga sa kanila? Ang nangyayari, hindi na lang problemang pinansiyal ang pinagdaraanan ng pamilya nila dahil pati emosyunal at isip nila, apektado na rin dahil sa matinding pag-aalala.
Bagaman, pagpapagamot ang sagot sa mga karamdaman, nangangailangan pa rin ng kalinga ang mga pasyenteng itinuturing na may taning na ang buhay. At bilang solusyon, nag-aatas sa lahat ng pampubliko at pribadong pagamutan sa bansa na magkaloob ng kinakailangang palliative at hospice care services sa mga pasyente na nanganganib ang buhay dahil sa kanilang sakit, gayundin, kasama sa nilalaman ng panukala na atasan ang PhilHealth na palawakin ang kanilang benefit package para maisama na ang inpatient palliative services, outpatient hospice care at home-based palliative care.
Hindi sa malisyoso tayo, pero may mga iba kasi tayong kababayan na ang takbo ng isip ay “may taning na rin ang buhay niya, tanggapin na lang natin”.
Para sa atin, hindi natin dapat sukuan ang mga mahal natin sa buhay at kahit anong mangyari, ipakita natin sa kanila ang kanilang kahalagahan at iparamdam natin sa kanila ang pagmamahal hanggang sa huling hibla ng kanilang buhay.