- BULGAR
Puwesto ng video karera ginawang drug den, buwisit!
PABLO L. HERNANDEZ III / PRANGKAHAN
FAKE NEWS NG DDS SA MGA KALABAN SA POLITIKA NG DUTERTE GOV’T., HINDI NA UUBRA—Sa survey ng Pulse Asia, 88% daw ng mga Pinoy ay aware o may kamalayan na tungkol sa fake news sa social media.
Aba, kung ganyan karaming Pinoy ang aware sa fake news sa social media, eh, tagilid pala sa eleksiyon next year ang mga kandidato ni P-Duterte?
Si P-Duterte kasi kaya nanalo noong presidential election ay dahil sa fake news ng mga DDS blogger na pabor sa kanya at fake news na banat sa mga kalaban niya sa eleksiyon kaya kung ngayon ay 88% ng mga Pinoy ay aware na sa fake news, tila hindi na uubra ang diskarteng fake news ng mga DDS para pabanguhin ang mga kandidato ng pangulo at siraan ang mga kalaban nila sa politika, period!
◘◘◘
ABSENT YATA SA ISKUL NOON SI SEN. JV NANG ITURO ANG MEANING NG RESPETADO—Sabi ni Sen. JV Ejercito, joke lang daw ‘yung pagmumura ni P-Duterte sa mga Katoliko at pagtawag na lasenggo ang mga santo dahil base raw sa kanyang kaalaman ay respetadong Katoliko raw ang pangulo.
Ganu’n, si P-Duterte na wagas kung makapagmura sa Diyos, mga santo, pari at Katoliko, para kay Sen. JV ay respetadong Katoliko ito?
Tila yata, noong kabataan at nag-aaral pa si JV ay absent siya nang ituro sa iskul ang kahulugan ng respetado kaya hanggang ngayon hindi niya alam ang meaning nito, boom!
◘◘◘
PARANG ANG LINIS NG TINGIN NI SOTTO SA MGA MILITAR, GAYONG MGA MILITAR, NALUSUTAN NG TONE-TONELADANG SHABU SA CUSTOMS?—Ang sabi ni Senate Pres. Vicente ‘Tito’ Sotto III, ang paniniwala raw niya kaya isinailalim ni P-Duterte ang Bureau of Customs sa military control ay para raw mawala na ang korupsiyon sa Adwana.
Parang ang linis-linis nang tingin ni Sen. Pres. Sotto sa mga military na parang hindi mga militar sina ret. Capt. Nicanor Faeldon at ret. Gen. Isidro Lapeña na kapwa nasangkot sa puslitan ng tone-toneladang shabu sa Bureau of Customs, pwe!
◘◘◘
PUWESTO NG VK SA LAGUNA AT BATANGAS, GINAGAWANG DRUG DEN — Ginagawang drug den daw ng mga adik sa shabu ang puwesto ng mga video karera nina “Rico” sa Calamba City at Cabuyao City kapwa sa Laguna at “Brigette” sa Batangas City at Lemery sa Batangas. Kung totoo ito, aba, dapat ipa-”tokhang” na ni Laguna PNP Director Sr. Supt. John Kraft si “Rico” at ipa-”tokhang” na rin ni Batangas PNP Director Edwin Quilates si “Brigette” kasi sobrang bad na ‘yan na pati ang puwesto ng mga video karera ay ginagawa ng drug den ng mga sugapa sa droga, buwisit!