- BULGAR
Mga turistang nagpasaway sa Boracay Island, i-ban!
RYAN B. SISON / BOSES
ISANG linggo pa lang ang nakararaan nang muling binuksan ang Isla ng Boracay, pero imbes na respetuhin at sundin na lamang ang mga bagong patakaran ay may ilan pa ring pasaway ang pilit na sumusuway.
Sinabi ni Tourism Sec. Bernadette Romulo-Puyat na nakatanggap umano sila ng report hinggil sa ilan na nagawa pa ring mag-party, magpatugtog ng malakas, manigarilyo at mag-inuman sa Boracay Island.
Aniya, nakalulungkot dahil kahit mahigpit ng ipinatupad ang mga alituntunin at kahit binigyan na sila ng oath para sa mas magandang Boracay sa muli nilang pagpasok sa isla ay mayroon pa ring mga pasaway at nambabalewala sa mga ito.
Gayunman, nakasaad sa oath na nangangako ang mga turista na pangangalagaan nila ang isla at titiyakin ang sustainable development ng lugar, gayundin, ang pagsunod sa environmental laws.
Pero, tila ang iba ay nahihirapan pa rin sa pagsunod sa mga alituntunin na may magandang epekto para sa atin, maging sa kalikasan na ating napakikinabangan.
Samantala, ang mga lumalabag ay bibigyan ng citation tickets, gayundin, ipasasara na ang mga establisimyento na patuloy na susuway sa mga patakaran ng Boracay Island.
Kaya ang panawagan natin sa lahat, ipamalas natin ang magandang pag-uugali kahit sa ilang araw lang na pananatili sa isla.
Hindi masamang magsaya, pero kung matapos ang ating pagsasaya ay mayroong mapapahamak, hindi naman yata maganda ‘yun.
Ibalik natin ang sayang naibigay sa atin ng pagbisita natin sa Isla ng Boracay upang mapanatili ang kalinisan at ganda nito.
Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com.