- BULGAR
May malalang sakit — Simbahan | P-DUTERTE, IPAGDASAL NATIN

NANAWAGAN si Catholic Bishops’ Conference of the Philippines (CBCP) Vice-President at Caloocan Bishop Pablo Virgilio David sa mga Pilipino na ipanalangin si Pangulong Rodrigo Duterte.
Ito ay matapos kutyain ng pangulo ang mga santo sa kasagsagan ng All Saints’ Day kung saan tinawag niya ang mga ito na tarantado at lasenggo.
Sa isang Facebook post, hinimok ni Bishop David ang bawat isa na ipanalangin ang pangulo na kanyang inilarawang ‘very sick man’.
Iginiit naman ng Obispo na walang bago sa pangungutya sa mga santo dahil ang pagiging Kristiyano aniya ay pagiging handa rin na matawag na mangmang para kay Kristo tulad ng sinabi ni San Pablo sa kanyang Unang Sulat para sa mga taga-Corinto.
Aniya, maging si San Juan Bautista ay tinawag na sinasapian ng demonyo.
Samantala, aniya, itinuro ng Panginoong Hesus sa mga Kristiyano na maging mahabagin sa mga may sakit.
“I think it should obvious to people by now that our country is being led by a very sick man. We pray for him. We pray for our country,” ani David. (BRT)