- Mylene Alfonso
Imbes mga santo | AKO ANG SAMBAHIN N‘YO!

KINUTYA ni Pangulong Rodrigo Duterte ang paggunita ng mga Katoliko sa mga santo makaraang murahin at tawaging ‘lasenggo’’.
Ito ay ilang oras lamang matapos ilabas ng Palasyo ang kanyang official messages para sa Undas kung saan hinimok niya ang mga Pilipino na tularan ang mga halimbawa ng mga santo.
Sa isinagawang Post-Disaster Command Conference sa Cauayan, Isabela na pinangunahan ni P-Duterte, kinuwestiyon ng pangulo ang pagkakaroon ng All Saints’ at All Souls’ Day ng mga Katoliko at tinawag ang mga ito na ‘tarantado’.
“Sabagay itong t****** talaga itong mga Katolikong p***. Bakit naman may All Souls’ Day tapos may All Saints’ Day?” ani Duterte.
“Hindi nga natin alam kung sino ‘yang mga santo na ‘yon. Sino ‘yung mga g*** na ‘yon? Mga lasenggo,” hirit pa ng pangulo.
Muling nagbiro pa si Duterte na siya na lamang ang gawing patron ng mga Pilipino bilang si Santo Rodrigo at ilagay ang kanyang larawan sa altar.
“Dito na lang kayo. I’ll give you one pat — ah isang patron na ano para hindi na kayo magpasyal. Get hold of a picture of mine. ‘Yan ang ilagay niyo sa altar — Santo Rodrigo,” biro ng pangulo.
Matatandaang, una nang tinawag ng pangulo na istupido ang Diyos.