- BULGAR
Ang araw ng mga santo at kaluluwa ay totoong mahiwaga
FR. ROBERT P. REYES / KAPAAYAPAAN
MAY kanta si Madonna na sobrang sikat noon na “Material Girl” na kung maaalala natin ay ganito ang linya ng kanta na paulit-ulit: “I am a material girl in a material world”
Totoong ‘material’ ang mundo at malinaw na hindi tayo mabubuhay kung hindi sa mga materyal na bagay sa ating paligid.
Noong nakaraang Huwebes, ipinagdiwang natin ang Araw ng mga Santo o Todos Los Santos. Bagamat, ang tunay na pagdiriwang ng Araw ng mga Patay ay ika-2 ng Nobyembre, naging tradisyon na ang pagpunta sa mga sementeryo sa ika-1 ng Nobyembre.
At napakagandang kaugalian ito dahil sa araw na ito, halos lahat ng mamamayan ay inaalala ang mga mahal sa buhay na namayapa na. Hindi man sila nakikita ay inaalala at dinadalaw na parang buhay pa at kasa-kasama lang sila at ito ang itinuturo ng Simbahang-Katolika tungkol sa pagkakaisa ng mga banal (Communion of Saints). Ito rin ang ibig sabihin ng kaluluwa at espiritu. Hindi tayo basta materyal lamang na tulad sa kanta ni Madonna. Tayo ay materyal na mayroong pisikal na katawan at mayroong mga sentido na bintana natin sa pisikal na mundong nasa paligid. Ngunit, mayroon din tayong ibang sentido na hindi lang sa panlabas na materyal at ito ay malawak, malalim, mahiwaga at nag-uumapaw sa buhay.
Tunay na mahiwaga ang Araw ng mga Santo at ang Araw ng mga Kaluluwa dahil sa pag-alala natin sa kanila ay sinasariwa natin ang tatlong mahahalagang kaugnayan. Una, ang mahiwaga’t malalim na kaugnayan natin sa kanila. Pangalawa, ang kaugnayan natin sa ating sariling kaluluwa. Pangatlo, ang kaugnayan natin sa Diyos na lumikha hindi lang sa ating materyal at pisikal na katawan kundi sa ating walang kamatayang kaluluwa.
Noong nakaraang Linggo, nasagasaan si Gigi, ang aming alagang pusa. Kakaiba at espesyal ang pusang ito dahil noong nabubuhay pa ito, mahilig itong umupo sa tabi natin habang tayo ay nagmimisa. Napapangiti na lang ang mga nagsisimba kapag nakikita nila ito na katabi natin. Minsan, bigla na lamang itong tatalon sa altar at wala na tayong magagawa at kapag tayo ay matutulog na, naroroon na ito sa ating higaan.
Noong ito ay buhay pa, madalas natin itong binabalewala ngunit, nang ito ay mawala, hinahanap-hanap na natin ito sa loob ng Simbahan, kusina, mga pasilyo at kuwarto natin.
Kung ganu’n na lang ang nararamdaman natin sa mga karaniwang hayop na naging malapit sa atin, paano pa sa ating sariling ama, ina, kapatid, kaibigan at iba pang mga kamag-anak na nawala na?
Gising, ‘materyal boys and girls’! Hindi lang tayo materyal o pisikal dahil buhay at mananatiling buhay mapagkailanman ang ating mga kaluluwa.