- Eddie M. Paez, Jr
KONAKBAYEV NG KHAZAKSTAN AT RAKHIMOV, AGAWAN SA AIBA PREXY

NAGKAROON ng bahagyang linaw ang kaguluhan sa Association of International Boxing (AIBA) nang mula sa isang kandidato ay naging dalawa na ang pormal na tatakbo pasa sa eleksyong pampanguluhan ng governing body ng boksing ngayong Nobyembre 3 sa Moscow.
Idineklarang legal ng Court of Arbitration for Sports (CAS) ang kandidatura ni Serik Konakbayev ng Khazakstan bilang desisyon sa apila nitong pasalihin siya sa halalan dahil hindi maituturing na atrasado ang kanyang pagsusumite ng application (Lunes siya nagfile dahil ang deadline ay pumatak sa araw ng Linggo). Dahil dito, mula sa pagiging lone candidate, maoobliga nang sumabak kay Konakbayev, puno ng Asian Boxing Federation at isang 1980 Moscow Olympics medalist, si interim AIBA prexy Gafur Rakhimov ng Uzbekistan. Ang halalan ay gaganapin habang tumatakbo ang AIBA Congress.
Sinasabing si Rakhimov ay nasa sanction list ng United States Treasury Department dahil sa mga iregularidad kasama na ang diumano ay bahagi ng “organized crime”.
Nauna rito, nagbanta ang IOC na aalisin sa eksena ang AIBA kapag tumulak na ang 2020 Tokyo Olympics kung si Rakhimov ang pangulo ng AIBA. Sa kabila nito, binigyan ng IOC ng pag-asa ang mga boksingero sa pagsasabing hindi maaapektuhan ang kanilang Olympic dreams.
Anu’t-ano man ang mangyayari, siguradong nakatutok sa magiging kaganapan sa Moscow ang mga boxing associations sa buong mundo kabilang na ang pangkat mula sa Pilipinas. Ang larangang ito ay isa sa mga regular na tagapagbigay ng karangalan sa bansa at lagi na lang inaasahan sa mga bakbakan lalo na sa South East Asian Games, Asian Games at Olympics.