top of page
BULGARY - SERYE NI COCO, INIREKLAMO SA MTRCB, TULOY PA RIN-IG _dreamscapeph.jpg

Pagpapahalaga sa karapatan ng indigenous society, suportahan!

  • Writer: BULGAR
    BULGAR
  • Oct 28, 2018
  • 2 min read

HINDI biro ang iniwang legacy ni dating Senador Edgardo Angara dahil tumatak ito sa ating lipunan at karami­han ng kan­yang nilikhang batas ay pina­kikinaba­ngan nating lahat.

At upang maisulong ang mga adbo­kasiyang ito, hindi tayo titigil hangga’t tuluyang maisakatuparan ang pangarap ni Ed Angara na ibigay sa bawat Pilipino ang “patas na laban”, ‘ika nga, every Filipino deserves a fighting chance.

Sa tuwing nagkakaroon tayo ng pag­kakataong makasalamuha ang mga kababayan nating malayo sa kabihasnan o ang mga katutubong Pilipino lahat ay may ipinaaabot sa ating hinaing at pag­hingi ng tulong.

Karamihan sa kanila ay naninirahan sa Mindanao at Hilagang Luzon.

Isa sa masakit sa kalooban ay ang ma­rinig sa kanila na pakiramdam nila ay napag-iwanan na sila sa pag-unlad, iniwan na sila ng pamahalaan, hinayaan na lamang malugmok sa kahirapan at kamangmangan, gayunman, hindi nila ito dapat nararamdaman.

Marami sa kanila, hindi nakapag-aaral dahil madalas ay pinagtatawanan daw sila sa kanilang hitsura, kilos at pananalita.

May mga pagkakataon na inihuhuli sila sa anumang serbisyo sa komunidad tulad ng tulong-medikal at nakalulung­kot na marami sa kanila ay napababaya­an ang kalusugan.

Upang maresolba ang suliraning ito ng indigenous society, tayo ay may panu­ka­­lang-batas na ang layunin ay pahala­gahan ang kanilang karapatan — ang Senate Bill 978.

Dito, hinihiling natin ang pagtatatag ng resource centers kung saan maaaring lumapit ang mga katutubo para mabig­yan ng tulong-medikal, pangkabuhayan, pang-edukasyon tulad ng scholarships, trabaho at trainings.

Kasabay nito, tayo ay nananawagan din sa Department of Education na kung maaari, palakasin ang pagpapatupad ng Integrated History Law.

Paano natin lubos na makikilala ang mga kababayan nating katutubo kung wala tayong alam sa kanilang tunay na pamumuhay, kultura, tradisyon at pani­ni­wala?

Hindi sila dapat inietsapuwera sa ka­saysayan ng bansa dahil napakahalaga ng kanilang kuwento.

Kung nais natin ng tunay na kapa­yapaan, dapat tayong lahat ay nagkaka­in­tindihan, walang diskriminasyon at klasipikasyon dahil iisa lamang ang lahi natin.

Ang IP history ay dapat ipaloob sa textbooks nang walang dagdag-bawas sa kanilang kasaysayan kaya ang pana­wagan natin sa DepEd, sana, maglimbag din tayo ng mga babasahing naglalaman ng IP history.

Pahalagahan natin ang IP at mahalin natin ang ating kapwa Pilipino.

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page