Search
  • BULGAR

Banal ang ating katawan kaya dapat itong pangalagaan

FR. ROBERT P. REYES / KAPAAYAPAAN

MAHIGIT apat na taon nang lumipas nang simulan natin ang malikhain at magandang ugnayan sa mga kasapi ng Seventh Day Adventist sa Santiago, Isabela. Kilala ang mga kapatid nating Sabadista sa kanilang pagpapahalaga sa kalusugan.

Banal ang ating mga katawan kaya dapat pangalagaan natin ito at kung mahal natin ang Diyos, napakahalagang mahalin din natin ang ating kalusugan at isa sa pinakamahalagang bahagi nito ay ang ating kinakain o diet.

Gayunman, muling nabuhay sa atin ang usapin ng kalusugan sa mga nagdaang araw na ito. Sunud-sunod ang mga maliliit ngunit, maseselang aksidente ang naranasan natin. Noong Martes, nakagat tayo ng alaga nating aso kahit na may anti-rabis ito, kinailangan pa rin nating magpa-anti-tetanus at anti-rabis shots. Kinabukasan, habang inuusisa natin ang repair ng isang bahagi ng kumbento, hindi sinasadyang natapakan natin ang kapirasong yero na humampas at sumugat sa ating kanang kamay at nag-iwan ito ng sugat na halos apat na pulgada ang haba.

Gayunman, mabilis tayong nagtungo sa health center sa tabi ng Simbahan kung saan nilinis agad ng doktora ang ating kamay subalit, nagpa­umanhin ito dahil wala siyang pantahi kaya nagpahatid na lamang tayo sa pinakamalapit na ospital.

Dumating tayo sa government hospital na punumpuno ng pasyente. Ayon sa mga nasa front desk ng emergency room, humigit-kumulang 380 pasyente ang dumarating sa ER, araw-araw. Matagal tayong nakatayo at pagkaraan ng isang oras, nabigyan na tayo ng “skin test” injection para tingnan kung may allergy tayo. Pagkatapos, ilang minuto na ulit tayong naghintay bago magpa-x-ray ng kamay. Pagkatapos ay binigyan na tayo ng anti-tetanus injection. Alas-6:30 na ito ng gabi kaya napilitan na tayong magtanong, “kailan po matatahi ang aking sugat?” sumagot ang isang residente, “sa alas-9 ng gabi po.” Kaya nagpasya na tayong lumipat sa kalapit na pribadong ospital at sa loob ng 40 minuto ay natahi na ang ating sugat at naresetahan na rin tayo ng doktor.

Ang punto, kaawa-awa ang mga mahihirap at karaniwang mamamayan kapag nagkasakit dahil kailangang pumila, maghintay at magtiis bago tanggapin ang kinakailangan nilang atensiyon. Marami ang nagsisiksikan sa maliit na pasilyo. May nakahiga, naka-wheelchair at nakaupo sa plastic chairs na hindi makapagreklamo na naghihintay, nagtitiyaga at umaasa sa darating na tulong.

Sino at ano ang may karamdaman, ang taumbayan o ang pamahalaang hindi matugunan ang pangangailangang pangkalusugan ng nakararaming mamamayan?

0 comments

Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
BULGAR LOGO

Bulgar Online.

Call us : (02) 995-3732

© 2021 bulgaronline

Sison's Publishing House, Inc.