4 PINOY STANDINGS PA SA U.S. OPEN 9-BALL
- Eddie M. Paez, Jr.
- Oct 27, 2018
- 1 min read

APAT na bilyaristang Pinoy pa ang natitirang nakatayo at may tsansang makuha ang kampeonato sa pagpasok sa huling dalawang araw ng umiinit pang 2018 U.S. International Open 9-Ball sa Norfolk, Virginia.
Ang listahan ay kinabibilangan nina Carlo “Black Tiger” Biado, Dennis “Robocop” Orcullo, Alex “The Lion” Pagulayan at Zoren James “Dodong Diamond” Aranas na pawang nasa one-loss side ng paligsahang tila pang world championship ang kalibre ng mga kalahok mula sa iba’t-ibang parte ng mundo.
Nananatiling may puwang para sa championship round ang apat na Pinoy cue artists dahil sa “double elimination” na format kung saan maoobligang mag-empake pauwi ang sinumang kalahok na makakatikim ng dalawang pagkatalo. Ang topnotcher ng winners’ bracket at ang best finisher sa losers’ bracket ang maghaharap para sa korona. Pero mas pagod ang manggagaling sa loser’s bracket dahil kinakailangan niyang sumalang sa mas maraming duwelo.Tatlong panalo at isang talo ang kartadang hawak nina Biado at Orcullo. Sariwa sila sa pagkakadulas sa “one-loss side” matapos silang yumuko sa mga de-kalibreng mga kalahok sa kanilang huling laro. Si Biado, 2017 World 9-Ball Championships ay tumiklop kay World Pool Billiards Association no. 3 Jayson Shaw ng Scotland sa iskor na 4-11 samantalang ang AZBilliards moneyboard no. 2 player naman na si Orcullo ay kinapos sa tatag ni Taiwanese hotshot Jung Lin Chang, 8-11.
Galing sa panalo sina Pagulayan (laban sa Aleman na si Ralf Souquet, 11-10) at Aranas (kontra kay Mohammed A-baabad, 11-10) sa kompetisyong nagtabi ng $40,000 para sa magkakampeon.
Hindi na pinalad ang ibang mga Pinoy (Warren “The Warrior” Kiamco, Johann Chua at Eric Bayhon) at napuwersa nang umuwi dahil sa dalawang talong natikman ng bawat isa.





Comments