top of page
BULGARY - SERYE NI COCO, INIREKLAMO SA MTRCB, TULOY PA RIN-IG _dreamscapeph.jpg

Tulad ng Bayan Muna, Anakpawis, Gabriela, Kabataan, Migrante at Aliance of Concerned Teachers — Inda

  • Writer: BULGAR
    BULGAR
  • Oct 26, 2018
  • 3 min read

MATAPANG si Davao City Mayor Sara Du­terte-Carpio na tulad ng kanyang ama nang iniudyok niya ang pagpapatalsik ng mga ko­munistang party­list mula sa Kongreso.

“Ginagamit na gatasan ng mga terorista ang mga partylist. Dapat ay tanggalin na ang miyembro nito mula sa Kongreso, lalo na ang Makabayan bloc” sabi ni Mayor Sara sa isang post sa Instagram at pinangalanan pa niya ang mga ito — ang Bayan Muna, Anakpawis, Gabriela, Ka­bataan, Migrante at Alliance of Concerned Teachers (ACT).

Huwag daw iboboto sa eleksiyon ang mga ito na hindi lamang umano kaalyado ng mga terorista kundi mga sinungaling din. Inakusa­han daw ng ACT-Davao si Mayor Sara na hin­di ito nagbibigay ng allowance sa public school teachers.

“May kopya kami ng budget, mga litrato at liquidation na may pirma. Pahirapan pa ang pag-aprub ng pera para sa inyo, kami ang nasa alanganin tapos ay nagsisinunga­ling pa kayo,” sabi ni Sara.

Nagkamali nang binangga ang ACT Party­list dahil hindi kayo uurungan ni Mayor Sara at kung si House Speaker Pantaleon Alvarez ay napatalsik niya sa Kongreso, kayo pa kaya?

Gayundin, hindi raw sinsero ang ACT at hindi raw ito karapat-dapat na nasa Kongreso. “Kailan kaya kayo sisipain paalis ng House of Represen­tatives? Gising na, Ethics Com­mittee ng Kongreso” dagdag pa ni Sara.

Bulok ang sistema ng partylist, marami sa mga partylist ay “front” ng mga komunista, bilyunaryo, alagad ng Simbahan at kahit na sinong may pera at gustong makapasok sa Kongreso sa pinakamadaling pamamaraan.

Basta raw may P5 milyon ka, madali ka na raw maipanalo ng partylist at instant kon­gresista ka na kaya maraming bilyunaryo at milyunaryo na nagtatayo ng partylist na mura na, mabilis pa raw manalo.

Mayroon daw quota ang batas sa numero ng partylist sa Kongreso kaya kahit iilan lamang ang boto basta may lugar pa ay ipipilit daw ito ng Comelec na isama sa loob.

Noong panahon ni dating Pangulong Cory Aquino, naipasa ang batas para sa partylist. Ang akala raw ni ex-P-Cory kapag ginawa niyang kon­gresista ang mga kaliwa at komu­nista ay hindi na ito makikipaglaban sa gob­yerno ngu­nit, nagkamali siya.

Hindi tumigil ang Communist Party of the Philippines at New People’s Army (CPP-NPA) sa kanilang rebelyon, bagkus, lumakas pa ito kasi nag­karoon sila ng bagong pinagkukuha­nan ng pondo, ang Kongreso.

Milyun-milyon ang tinatanggap na suweldo ng mga kongresistang partylist, komunista man o hindi, gayundin milyones ang budget nila para sa mga tauhan nila.

Ilan kaya sa pondong ito ang nililihis nila at ipi­nadadala sa CPP-NPA para mapabagsak ang gob­yerno at ilan kayang mga sundalo, pulis at sibil­yan ang namatay dahil sa mga nabiling mga bagong ar­mas ng CPP-NPA, ma­tapos mabiyayaan ng mga kaalyado sa Kon­greso?

Noong 2016, sinabi ni Pangulong Rodrigo Du­terte na gusto raw niyang tanggalin ito dahil inaabuso lamang daw. Sinabihan niya ang Cons­titutional Commission na gumawa ng draft ng Saligang-Batas at isama nila ang pag-abolish ng pulpol na sistemang ito.

Pero, hindi na ito na-follow-up ng pangulo kaya mabuti at nagsalita si Mayor Sara tung­kol sa isyung ito, lalo na at papalapit na ang elek­siyon sa Mayo 2019.

Sinusuportahan natin ang posisyon nina P-Duterte at Mayor Sara na dapat ay maalis na ang sistemang partylist.

Kalokohan ito, ang partylist na para raw sa mahihirap ay ginagamit ng mga mapang-abusong mayayaman para magkaroon ng ka­pangyarihan at awtoridad sa gobyerno.

Gayundin, ginagamit daw ito ng mga ko­mu­nista para magkaroon ng pondo at maipa­kalat ang propaganda ng CPP-NPA.

“Ang mga militanteng grupong ito ay nagku­kunwari na para sa tao, pero ang gusto nila ay magsabog ng kaguluhan, lalo na doon sa mga ayaw, mga teroristang grupo ang sinusuporta­­han nila, ang CPP-NPA at Natio­nal Democratic Front” sabi ni Mayor Sara.

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page