Worried sa matunog na ubo ni baby
- BULGAR
- Oct 25, 2018
- 2 min read
Dear Doc. Shane,
May sipon ang 15 months old kong baby, gayundin ang sabi ng nanay ko ay may halak daw siya, hindi ganu’n kagrabe ang ubo niya ngunit, bakit siya magkakahalak? Ano ba ito at paano ito nakukuha? — Thelma G.
Sagot
Ang halak ay isang uri ng ubo na maraming plema na nararanasan ng mga bata at sanggol. Kadalasang may kasama itong matinding ubo, sipon at lagnat. Hindi madaling nalalaman kung ano ang sanhi ng halak dahil minsan, pareho ang sintomas nito sa ubo, sipon at iba pang upper respiratory infection sa halak at kung minsan, ito ay dahil sa viral o bacterial infection sa bandang lalamunan, bibig at ilong.
Minsan, hindi na kinakailangang bigyan ng gamot si baby kapag mayroong halak. Posibleng mawawala ito ng kusa kapag gumaling na ang ubo ni baby.
Ngunit, may mga sitwasyon na hindi agad nawawala ang halak kaya kinakailangan ng karagdagang gamutan upang gumaling si baby.
Sa mga ganitong sitwasyon, mas mabuting kumonsulta agad sa doktor bago magbigay ng gamot sa inyong anak. Dahil ang halak ay maraming sanhi at mas maganda kung matukoy ng doktor ang mismong dahilan ng halak ni baby bago ito bigyan ng gamot.
Nakatutulong din ang pagpapainom ng tubig kay baby. Gayundin, nakatutulong ang pagkakaroon ng humidifier upang makatulong na lumuwag ang paghinga ng iyong anak.
Importanteng dalhin ang inyong anak sa doktor kapag kakikitaan ng sumusunod na sintomas:
Ubo, halak at sipon na hindi nawala makalipas ang isang linggo
Ubo, halak at sipon sa mga batang 0-3 buwan
Mataas na lagnat
Nahihirapang huminga
Parang hinihika o may tunog sa paghinga
May dugo sa plema o sipon
Namumutla at ayaw dumede o kumain
Comments