Sinita sa illegal parking, MMDA tinakasan | LADY DRIVER, WANTED

Photo: fb/SandyBilan
PATUNG-PATONG na paglabag sa batas-trapiko ang kahaharapin ng babaeng driver na tinakasan ang mga traffic enforcer na humuli sa kanya sa San Juan, noong Oktubre 19.
Ayon kay Celine Pialago, Spokesperson ng MMDA, pinaghahanap pa ang driver ng itim na Toyota Camry na may plakang UFQ-883.
Nag-viral sa social media ang nangyari na ini-upload sa Facebook ng mismong MMDA traffic enforcer na si Traffic Constable Sandy Bilan.
Sinita umano ni Bilan ang babaeng driver dahil sa iligal na pagparada pero, imbes na huminto ay pinasibad nito ang sasakyan patungo sa Northeast Greenhills na hindi na inabutan.
Ayon kay Pialago, ini-report na nila sa tanggapan ng Land Transportation Office (LTO) upang matukoy ang pagkakakilanlan sa babaeng driver, pero sa inisyal na resulta ay nakarehistro ang sasakyan sa Garment District Incorporated, sa Sandoval, Pasig City.
Dahil dito, inirekomenda ni Pialago sa LTO na kanselahin o suspendihin ang driver’s license ng babae dahil sa paglabag nito sa batas-trapiko.
Posibleng maharap ang babae sa mga kasong illegal parking, obstruction, reckless driving, direct assault, arrogant driving at disobedience to person in authority.
Bukod pa rito, pagmumultahin din ang driver sa mga ginawa nitong paglabag kapag nag-renew ito ng kanyang lisensiya.





Comments