- BULGAR
Hirit ng mga manggagawa sa DOLE: P20 DAGDAG-SAHOD, LIMOS!

NAGPIKET ang mga miyembro ng Bukluran ng Manggagawang Pilipino (BMP) sa harap ng isang hotel sa Malate, Manila kung saan nagaganap ang konsultasyon ng NCR Wage Board sa employers sector.
Layunin ng konsultasyon na makuha ang pananaw ng mga negosyante sa panukalang P20 na dagdag-umento.
Sa nasabing protesta, bitbit ng mga manggagawa ang placard na nananawagan ng: “Hanggang saan aabot ang P20 mo?”, “Living wage, hindi starvation wage”, “Sa inyo bilyon, sa amin beinte!”.
“Hindi kami pulubi, ayaw namin ng barya!” ani Lito Rastica, ikalawang pangulo ng BMP.
Insulto umano sa mga manggagawa na mabayaran ng mas mababa sa living wage na ginagarantiyahan ng Konstitusyon.
Giit nila, hindi makatarungan ang pambabarat sa suweldo nila habang tumutubo ng bilyun-bilyon sa nakaraang mga taon ang malalaking kapitalista.
Samantala, ayon kay Ka Leody de Guzman, tagapagsalita ng Partido Lakas ng Masa (PLM) at chairman ng BMP, hindi matutumbasan ng P20 ang pinagsamang sakripisyo, pagod, hirap at talino ng mga manggagawang Pilipino.
Lalo pa umano at namimilipit na ang mga pamilya sa pagtaas ng presyo ng mga bilihin dulot ng TRAIN Law, mas mataas na VAT, pagbagsak ng piso kontra dolyar at hindi stable na presyo ng langis sa pandaigdigang merkado. (BRT)